48,423 total views
Pinasalamatan ng pamunuan ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno ang bawat isa sa matagumpay at maayos na isinagawang Thanksgiving procession ngayong 2025.
Ayon kay Fr. Jade Licuanan, rektor at kura paroko ng Quiapo Church ito ay bunga ng malawak na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan mula sa simbahan at pamayanan hanggang sa mga pulis at mga pribadong indibidwal.
Sinabi ni Fr. Licuanan na pinatunayan ng gawain na matagumpay kapag pinagsama ang sama-samang pagpaplano at pakikilahok ng komunidad dahil nagiging mabilis, maayos, at makahulugan ang mga gawaing panrelihiyon at panlipunan.
“Ito ay bunga ng mahabang pagpaplano at sama-sama na pag-iisip na nilahukan ng simbahan, mga hijos, balangay, kapulisan, mga barangay, at mga pribadong indibidwal,” pahayag ni Fr. Licuanan sa Radyo Veritas.
Pinuri ni Fr. Licuanan ang aktibong pakikiisa ng kapulisan, kabilang ang mga tinaguriang hijos-pulis, gayundin ang mga barangay na dinaanan ng prusisyon, na nagpakita ng disiplina, malasakit, at malasakit sa kaayusan ng pamayanan.
Kasabay nito, binigyang-diin ng pari ang mas malalim na diwa ng pagdiriwang, kasunod ng pagtatapos ng Year of Hope ng Simbahan noong 2025.
Aniya, ang darating na taong 2026 ay panahon ng pagsasabuhay ng pag-asa hindi lamang sa panalangin kundi sa konkretong pagkilos at pagmamalasakit sa kapwa.
“Ngayong 2026, ipapakita natin ang pag-asa na in full operation sa ating buhay; sa paggawa ng kabutihan, patuloy na pananalig sa Diyos, at hindi pagsuko sa mga pagkabigo o setbacks,” ani Fr. Licuanan.
Dagdag pa ng rektor, mahalagang isabuhay ang pag-asa lalo na sa gitna ng mga hamong panlipunan at pambansa na kinakaharap ng Pilipinas tulad ng mga nabunyag na malawakang korapsyon na lubhang nakakaapekto sa moralidad ng mamamayan.
Panalangin ng pari na magsilbing inspirasyon ang pananampalataya upang makita ang positibong pagbabago sa lipunan.
“Sana po ay sa awa at biyaya ng ating Poong Jesus Nazareno ay makita natin ang isang bagong bansa; isang mas may konsensya, mas may katarungan, at mas laganap ang katotohanan sa darating na 2026,” saad ni Fr. Licuanan.
Tinukoy ng pari na ang ganitong uri ng sama-samang pagkilos ay patunay na ang pananampalataya, kung isinabuhay sa komunidad, ay nagiging puwersa ng pagkakaisa, kaayusan, at pag-asa para sa bayan.
Tumagal ng halos dalawang oras ang prusisyon na umikot sa ilang pangunahing lansangan ng Quiapo District na may halos limang kilometro ang layo kung saan libu-libong mga deboto ang nakilahok sa taunang thaksgiving procession.






