5,004 total views
Mga Kapanalig, isang trahedya ang pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City ngayong Zero Waste Month pa naman.
Noong ika-8 ng Enero, gumuho ang malaking bahagi ng nasabing landfill na pinangangasiwaan ng Prime Integrated Waste Solutions. Nabaón sa tone-toneladang basura, lupa, at mga gumuhong istruktura ang maraming manggagawa at nangangalakal. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa 28 ang nasawi, 18 ang nasugatan, at walo pa ang hinahanap.
Naghain na ng cease and desist order ang Department of Environment and Natural Resources (o DENR) laban sa tagapangasiwa ng landfill. Ipinasara na rin ang tambakan habang isinasagawa ang search and rescue at cleanup. Dahil ang Binaliw landfill ang pangunahing waste disposal facility na nagseserbisyo sa mga lungsod ng Cebu, Mandaue, at Lapu-Lapu, at sa bayan ng Consolacion, nagdulot ang pagsasara nito ng krisis sa basura sa mga nasabing lugar. Kumikilos na ang mga lokal na pamahalaan upang humanap ng mga pansamantalang waste disposal facility. Pero ang tanong ng mga tao ngayon: saan dadalhin ang basura nila araw-araw?
Ayon sa paunang pagsusuri ng DENR, posibleng nangyari ang “trash-slide” dahil sa sobrang dami at taas ng tambak ng basura, tuluy-tuloy na pag-ulan, at mga geotechnical limitations ng landfill. Kung matatandaan, tumama sa Cebu ang 6.9-magnitude na lindol noong Setyembre, at nanalasa naman ang Bagyong Tino noong Nobyembre.
Matagal na ring nasasangkot sa kontrobersya ang Binaliw landfill simula pa noong 2019. Marami na raw itong paglabag sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act. Lumabas sa isang inspeksyon noong 2024 na nagmistulang open dumpsite sa halip na sanitary landfill ang ilang bahagi ng Binaliw landfill. Nagprotesta na rin ang mga residente dahil sa masangsang na amoy, pagdami ng mga langaw, at banta sa kalusugan ng mga tao ng pasilidad.
Ayon naman sa Movement for a Livable Cebu, sa kabila ng pagsunod ng mga lokal na pamahalaan sa RA 9003 sa pagbalangkas ng 10-year solid waste management plans, nananatiling “blueprints without action” ang mga ito. Ang batas at mga mandatong plano ay hindi mga dokumento lamang. Dapat na maayos na ipinapatupad ang mga ito upang masiguro ang kaligtasan at disenteng pamumuhay ng mga mamamayan. Dapat ding ipinatutupad ang RA 11898 o ang Extended Producer Responsibility Act upang mapanagot ang mga kumpanyang sangkot sa krisis sa basura.
Higit pa sa wastong pamamahala ng basura, dapat ding bawasan ang basurang nalilikha sa simula pa lang. Sa Catholic social teaching na Laudato Si’, ipinaaalala sa atin ng Simbahan na ang krisis sa basura ay konektado sa throwaway culture, kung saan hindi nagtatagal at mabilis na itinatapon bilang basura ang karamihan ng mga bagay na ginagamit at kinokonsumo natin. Nakaugat ito sa modelo ng produksyon at pagkonsumo kung saan nangingibabaw ang kita o profit. Para sa mga negosyante, mas malaki ang kikitain sa paggawa ng mga produktong madaling masira at palitan o disposable. Hindi sila kikita kung nagtatagal, nakukumpuni, at muling nagagamit ang kanilang ibinibenta. Habang sila ay kumikita, binabayaran naman ng mga konsyumer ang mga negative externalities o nakatagong gastos sa produksyon gaya ng polusyon, banta sa kalusugan, at mga trahedyang katulad ng nangyari sa Cebu.
Mga Kapanalig, ipagdasal natin ang mga biktima ng trahedya at kani-kanilang pamilya. Dapat nilang makamit ang katarungan. Dapat mapanagot ang mga maysala sa environmental violations na nagdulot sa pagguho ng Binaliw landfill. Lahat tayo ay may papel sa pangangalaga sa ating common home at sa isa’t isa. Paalala nga sa Genesis 2:15, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang responsabilidad na pagyamanin at pangalagaan ang kalikasan at kapaligiran—hindi ang abusuhin at sayangin lamang upang maging basura at tambakan nito.
Sumainyo ang katotohanan.




