Nanawagan ang Diyosesis ng Kalibo sa lahat ng mananampalataya na magbuklod sa pananalangin sa pamamagitan ng Oratio Imperata bilang tugon sa banta ng Tropical Depression Basyang.
Sa opisyal na panawagan ng diyosesis, hinihikayat nito ang buong sambayanan na magkaisa sa taimtim na panalangin, paghingi ng proteksyon at kaligtasan para sa lahat, lalo na sa mga komunidad na higit na nanganganib sa pinsala na dulot ng bagyo.
Ipinagkakatiwala ng Diyosesis ng Kalibo ang buong lalawigan sa pamamagitan ng patron ng diyosesis na si San Juan Bautista, upang ipag-adya ng Panginoon ang bawat isa mula sa anumang kapahamakan o sakuna.
“Through the intercession of St. John the Baptist, our beloved patron of the Diocese of Kalibo, let us unite our minds and hearts in fervent prayer. For in prayer, we find our strength and our hope. Together as one people, may we humbly implore God to shield us from all harm, guard us from calamities, and grant us deliverance from every trial and suffering.” Bahagi ng panawagan ng Diyosesis ng Kalibo.
Sa gitna ng banta ng kalamidad, nananatiling matatag ang paniniwala ng Diyosesis ng Kalibo na ang panalangin ay sandigan ng lakas at pag-asa, sapagkat ang Diyos ay laging kasama ng Kanyang bayan.
Hinimok din ng pamunuan ng diyosesis ang mga parokya, kapilya, at pamilyang Kristiyano na isama ang Oratio Imperata sa mga Banal na Misa at personal na panalangin, bilang paghahanda at pagtitiwala sa kalooban ng Diyos.
Ang Oratio Imperata ay tanda ng pananampalatayang aktibo at mapagkalinga na isang paalala rin na sa gitna ng unos at kawalan ng katiyakan, ang sambayanan ng Diyos ay hindi nag-iisa, kundi sama-samang humaharap sa hamon sa pamamagitan ng pananalangin, pananalig, malasakit, at pagkakaisa.
Ang Bagyong Basyang ang ikalawang bagyo ngayong taon na kasalukuyang nakakaapekto sa ilang mga bahagi ng bansa partikular na sa silangang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.






