523 total views
Ipinaabot ng kinatawan ng Vatican sa Pilipinas ang pakikiisa at pakikiramay sa sambayanang Pilipino kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Mindanao.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, sa ngalan ng buong Diplomatic Corps sa bansa, nakikiisa sila sa pagdadalamhati ng mga pamilyang naapektuhan ng trahedya.
Sa kanyang talumpati bilang Dean ng Diplomatic Corps sa Pilipinas, sinabi ni Archbishop Brown na kaisa ng mga diplomat ang mga mamamayan ng Mindanao habang patuloy silang bumabangon mula sa pinsalang dulot ng lindol.
“With the Diplomatic Corps, allow me, Mr. President, to express our sincere condolences to you and to all the people of the Philippines on this tragedy. We stand with the people of Mindanao in this difficult time,” ayon sa arsobispo.
Kabilang si Archbishop Brown sa mga panauhin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tradisyunal na Vin d’Honneur sa Malacañang kasabay ng paggunita ng bansa sa ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Matatandaang June 8, araw ng Lunes nang yanigin ng 7.8 magnitude na lindol ang Saranggani Province kung saan hindi bababa sa 40 ang nasawi, habang marami ang naiulat na nasugatan, at nawawala.






