46,785 total views
Mga Kapanalig, ibinasura ng Special Division ng Sandiganbayan ang natitirang asset claims sa isa sa mga forfeiture cases laban sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr. at dating First Lady Imelda Marcos. Ito ay kaugnay ng kanilang umano’y ill-gotten wealth o mga yaman na nakuha sa pamamagitan ng pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ang kasong ito ay isa sa maraming kasong isinampa ng Presidential Commission on Good Government (o PCGG) laban sa pamilyang Marcos matapos ang People Power Revolution noong 1986. Itinatag ang PCGG upang imbestigahan at bawiin ang nakaw na yaman ng dating diktador, ng kanyang pamilya, at ng kanilang malalapit na kaalyado.
Ayon sa resolusyong inilabas ng Sandiganbayan noong ika-2 ng Hunyo, hindi na maghahain ng karagdagang ebidensya ang PCGG sa kasong ito. Ipinaliwanag ng komisyon na karamihan sa mga ari-ariang saklaw ng kaso ay nabawi na sa pamamagitan ng iba pang legal na hakbang, kaya wala na silang planong ituloy ang natitirang claims. Sa paglipas ng mga taon, nakapagtala rin ng ilang tagumpay ang kaso. Sa pamamagitan ng apat na partial summary judgments, ipinag-utos ng Korte Suprema ang forfeiture ng halos 680 milyong dolyar o humigit-kumulang 41 bilyong pisong halaga ng pera at ari-arian. Kabilang dito ang mga Swiss deposits ng pamilya Marcos, ang Arelma accounts, bahagi ng Malacañang jewelry collection, at mga kinita mula sa pagbebenta ng mga mamahaling paintings.
Hindi ito ang unang pagkakataong nagtapós o naibasura ang isang kasong may kaugnayan sa ill-gotten wealth ng pamilya Marcos. Sa nakaraang taon, ibinasura rin ng Sandiganbayan ang isa pang kasong isinampa pa noong 1987 laban sa mag-asawang Marcos at kanilang photographer na si Fernando Timbol, na may kinalaman sa umano’y iligal na pagbili ng mga sasakyang nagkakahalaga ng limang milyong piso.
Kapag ibinabasura ang mga kasong katulad nito, parang sinasabi natin na pwede na ring itapon ang pananagutan. Noong mga panahon ng diktadura ni Marcos Sr. libu-libong Pilipino ang naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Kasabay nito, umabot sa tinatayang sampung bilyong dolyar o 612 bilyong piso ang ninakaw na yaman ng pamilya Marcos at kanilang mga cronies habang milyun-milyong Pilipino ang sadlak sa kahirapan. Hanggang ngayon, hindi pa rin ganap na naibabalik ang lahat ng yamang ito sa taumbayan.
Isa ito sa pinakamalaking pinsala ng pagkalimot–kapag hindi natin naaalala ang mga pagkakamali ng nakaraan, mas madali natin itong ulitin. Patunay nito ang katotohanang ang anak mismo ng diktador ay nahalal bilang kasalukuyang pangulo natin ngayon at sa ilalim ng kanyang pamumuno,patuloy na laganap ang korapsyon.
Ang pananagutan ay hindi dapat nakadepende sa apelyido o posisyon. Katulad ng paghingi natin ang pananagutan sa mga opisyal na sangkot sa maanomalyang flood control at maling paggamit ng confidential funds, dapat pareho rin ang ating paninindigan pagdating sa mga kasong may kinalaman sa ill-gotten wealth, kahit may kinalaman ito sa pangulo.
Mismong si Pope Leo XIV ay nagbabala laban sa katiwaliang ginagawa ng mayayaman at makapangyarihan. Aniya, ang hadlang ang korapsyon sa pag-unlad ng mga institusyon at imprastrukturang kinakailangan para sa ikabubuti ng lahat. Hindi ito mahirap paniwalaan sa isang bansang matagal nang pinipigilan ng korapsyon na maabot ang buong potensyal nito.
Mga Kapanalig, dapat nating bantayan at usisain ang katiwalian, sa nakaraan man o sa kasalukuyan. Paalala ng Eclesiastes 3:15: “Ang nangyari sa nagdaan ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na rin; at hinahanap uli ng Dios ang nakaraan na.” Hindi natin maaaring hayaang mabaon ito sa limot dahil lamang ang mga sangkot ay nasa kapangyarihan o dahil nangyari ito sa nakaraan. Kailangan nating magsalita laban sa mga desisyong maaaring magpalabo sa paghahanap ng pananagutan.
Sumainyo ang katotohanan.




