532 total views
Umaasa si Pope Leo XIV na magiging daan ang kasunduan sa pagitan ng Iran at Amerika upang tuluyan nang matapos ang hidwaan at maiwasan ang muling paglala ng karahasan sa rehiyon.
Ayon sa Santo Papa, bagama’t mayroon pang ilang mahahalagang usaping dapat ayusin at pagtibayin sa kasunduan, mas mainam pa rin na maresolba ang mga ito sa pamamagitan ng pag-uusap at negosasyon sa halip na karahasan.
“There will still be several points to be established, but it is always better to do so through dialogue and negotiation rather than returning to war,” pahayag ni Pope Leo XIV.
Binigyang-diin ng punong pastol ng Simbahang Katolika na ang tunay na kapayapaan ay nakasalalay sa pagkakaroon ng bukas na dayalogo at pagkakaisa ng mga bansa sa paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa mga sigalot.
Umaasa rin ang Santo Papa na magsisilbing ganap na wakas ng labanan ang kasunduan upang makapagpatuloy ang mga mamamayan sa pagbangon mula sa mga pinsalang dulot ng digmaan.
“I hope the memorandum truly is a solution to the war, that the war is really over, and that we can move forward for the good of all,” ani Pope Leo XIV.
Kasabay nito, muling nanawagan ang Santo Papa para sa pagsusulong ng pandaigdigang kapayapaan at pag-aalis ng mga sandatang nukleyar na patuloy na nagdudulot ng banta sa pandaigdigang seguridad.
Bilang bahagi ng memorandum of understanding na lalagdaan sa Switzerland, napagkasunduan ng Iran at Amerika ang agarang at tuluyang pagtigil sa lahat ng operasyong militar.
Sa oras na malagdaan ang kasunduan, muling bubuksan ang Strait of Hormuz para sa komersyal na paglalayag at sisimulan na rin ang pag-alis ng blockade ng Amerika sa mga pantalan ng Iran.
Inaasahan ding ilalathala ng Tehran ang buong nilalaman ng memorandum matapos itong pormal na lagdaan.
Sa susunod na 60 araw, ipagpapatuloy ng dalawang panig ang negosasyon hinggil sa mas sensitibong usapin kabilang ang programang nukleyar ng Iran at mga parusang ipinataw ng Amerika.
Nakapaloob din sa balangkas ng kasunduan ang pansamantalang pag-freeze ng ilang aktibidad nukleyar ng Iran, posibleng pagluwag sa mga economic sanctions, at pagtalakay sa rekonstruksyon ng bansa.
Saklaw din ng kasunduan ang Lebanon, kung saan inaasahang titigil ang mga operasyong militar habang isinusulong ang mas malawak na kapayapaan sa rehiyon.
Matatandaang paulit-ulit nang nananawagan ang Vatican para sa agarang pagtigil ng mga armadong tunggalian sa iba’t ibang bahagi ng mundo at sa pagsusulong ng diplomasya bilang pangunahing paraan upang makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Ipinakita ng pahayag ni Pope Leo XIV ang patuloy na paninindigan ng Simbahan na ang pag-uusap, pagkakasundo at pagkakapatiran ng mga bansa ang pinakamabisang landas upang maiwasan ang higit pang pagdurusa ng mga sibilyan at mapangalagaan ang kabutihang panlahat.




