199 total views
Kinumpirma ni Father Gregory Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Rome, Italy sa panayam sa Programang Veritas Pilipinas na tuloy na tuloy ang pagbisita ni Pope Francis sa Egypt ngayong ika-28 hanggang 29 ng Abril,2017.
Dahil dito, hinimok ni Father Gaston ang mga mananampalataya na ipanalanging maging ligtas at magbunga
ang hatid na Espiritu Santo ng Santo Papa sa mga Kritiyano sa Egypt.
Tiniyak ng pari na malaki ang pag-asang maibabahagi ng Santo Papa sa mga Kristiyanong inuusig
at pinagmamalupitan sa Egypt at sa iba pang bahagi ng daigdig.
“Ipagdasal natin ang biyahe ng ating Santo Papa, of course hindi lang yung negative na wala sanang sumabog kundi yung positive din na I’m sure napakaraming bungang madadala yung pagbisita niya doon at lalo na may
violence doon.
Sa pagdating ng Pope ay malaking pag-asa din,”pahayag ni Father Gaston.
Matatandaang nitong Palm Sunday, binomba ng Islamic State of Iraq and Syria o ISIS ang mga Coptic Christian Churches sa Egypt na ikinasawi ng mahigit 40 indibidwal at nag-iwan ng daan-daang sugatan.
Iginigiit ni Pope Francis na hindi kailanman makakamit ang kapayapaan at pagkakaisa kung paiiralin
ang karahasan.