178 total views
Masayang ibinalita ng Aid to the Church in Need (ACN) Philippines na umabot na sa halos P1-milyon ang nalilikom nitong donasyon para sa muling pagpapatayo ng Pro-Cathedral ng Prelatura ng Marawi, kahit wala pa sa kalahati ng destinasyong nararating ng Caravan for Peace and Solidarity: Padayon Prelatura sa Marawi.
Sa panayam ng Radio Veritas, labis na nagpapasalamat si ACN Philippines National Director Maximus Ventura sa mainit na pagtanggap ng mga arkidiyosesis na kanila ng napuntahan, kabilang ang Arkidiyosesis ng Maynila, Tuguegarao, Nueva Segovia, Lingayen-Dagupan, at kasalukuyan sa Arkidiyosesis ng Lipa.
“Ang puso ko po ay nagpupuri sapagkat napakainit po ng pagtanggap ng lahat ng mga archdioceses na ating nabisita para dito sa ating Caravan for Peace and Solidarity: Padayon Prelatura sa Marawi. Kami po ay masaya at nais naming ipabot ang aming pasasalamat sa lahat ng nakiisa dito sa ating kampanya,” Bahagi ng pahayag ni Ventura sa Radyo Veritas.
Tiwala si Ventura na higit pang dadami ang magiging tulong para sa Prelatura ng Marawi dahil ang bawat pondong malilikom sa bansa ay tutumbasan din ng halaga mula sa Aid to the Church in Need International sa pamamagitan ng matching grant program.
“Ako po ay nagagalak na ibalita sa inyo na wala pa po tayo sa kalahati ng ating caravan, tayo po ay nakalikom na ng halos isang milyong piso. Ang mabuting balita po, ang isang milyong ito ay tatapatan pa ng isang milyon sa pamamagitan ng ACN International matching grant. Kaya ang lahat ng inyong idodonate ay madodoble dahil sa kabutihan ng ating mga kapatid sa pananampalataya at dala rin ng biyaya ng Panginoon,” Dagdag pa ni Ventura.
Hinimok naman ng ACN Philippines ang mga mananampalataya sa mga susunod na destinasyon ng caravan sa Bicol region, at sa mga Arkidiyosesis ng Palo, Cebu, Davao, Cotabato, Zamboanga at Ozamiz na makiisa sa kampanya upang higit pang mapalakas ang suporta sa muling pagtatayo ng simbahan sa Marawi.
Ibinahagi rin ni Ventura ang kanyang naging karanasan sa pagbisita sa ground zero ng Marawi City kasama sina Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, at Marawi Bishop Edwin Dela Peña sa nasirang St. Mary’s Cathedral.
Ayon kay Ventura, bagama’t nawasak ang gusali ng simbahan dahil sa naganap na Marawi siege noong 2017 ay nananatili namang matatag ang pananampalataya ng mga Kristiyanong naninirahan sa Marawi.
Patuloy na umiikot ang Caravan for Peace and Solidarity: Padayon Prelatura sa Marawi sa iba’t ibang mga diyosesis at arkisiyosesis sa bansa upang palakasin ang kamalayan ng mga mananampalataya sa kalagayan ng Simbahan sa Marawi at makalikom ng pondo para sa muling pagtatayo ng Pro-Cathedral bilang paghahanda sa ika-50 anibersaryo ng Prelatura ng Marawi sa Nobyembre 2026.




