266 total views
Handa ang House prosecution na bawasan ang bilang ng mga testigong ihaharap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung sapat na ang mga naunang testimonya upang mapabilis ang paglilitis.
Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. bagama’t nakalaan ang 11 trial days para sa pagtalakay sa Article IV na may kaugnayan sa grave threats, bukas silang gumawa ng mga kinakailangang pagbabago upang hindi na humaba pa ang proseso.
Ipinaliwanag ng mga prosecutor na matapos ang bawat pagdinig ay sinusuri nila ang naging testimonya ng bawat testigo upang matukoy kung alin sa mga nakalistang saksi ang maaari nang hindi ipatawag dahil naiprisinta na ang mahahalagang ebidensya at impormasyon.
“We were given 11 days to present witnesses. But we hear the sentiment of some of the senator judges that it would be better to re-read the proceedings. We also want this to end as soon as possible,” ayon kay Tolosa.
Dagdag pa ni Tolosa, “We don’t want this to last unnecessarily. But of course, without sacrificing our ability to properly, efficiently, and effectively present evidence.”
Iginiit ng prosecution panel na nakahanda silang gumawa ng mga kinakailangang pagbabago sa presentasyon ng mga testigo upang mapabilis ang impeachment proceedings, kasabay ng pagnanais na matapos ang paglilitis sa pinakamaagang pagkakataon nang hindi naaapektuhan ang integridad ng kaso.
Noong nakaraang Linggo, umabot nang dalawang araw ang pagtatanong at cross examination kay NBI Senior Agent Mark Calilong, habang ngayong araw ay isinalang naman sa witness stand si NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc-ang pangunahing nag-imbestiga kaugnay sa grave threat ni Vice President Sara Duterte laban Kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., first-lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Una ng inihayag ng prosekusyon na aabot sa 92 araw ang impeachment trial o 30 linggo na posibleg umabot hanggang buwan ng Pebrero o Marso.




