369 total views
Umaasa ang pamunuan ng Relic Tour of St. Tarcisius of Rome na mas maraming kabataan ang mahihikayat na maging mga sakristan at aktibong makibahagi sa buhay ng Simbahan sa pagsisimula ng pag-iikot ng banal na relikya sa 74 na mga parokya sa Pilipinas mula Agosto 21 hanggang Nobyembre 22, 2026.
Sa panayam sa programang Barangay Simbayanan, sinabi ni Bryan James Turiaga, Overall Committee Chairman ng Relic Tour, na malaking hamon sa maraming parokya ang kakulangan ng mga batang nagsisilbi sa altar.
Pagbabahagi ni Turiaga, napatunayan sa mga nakalipas nilang pag-iikot sa iba’t ibang mga parokya na epektibong inspirasyon ang pagpapakilala sa buhay ni San Tarcisius upang makahikayat ang mga kabataan upang magsimulang maglingkod sa Simbahan.
“Karamihan ang sakit at crisis ng ibang parokya ay kakulangan sa mga batang naglilingkod, minsan ang sakristan lang nila nasa 20, nasa 30 pero nung nagsimula ang relic tour kung saan dinadala natin yung batang martir nagkakaroon ng curiosity yung mga bata, yung mga magulang ng mga bata na ‘sino ba yan? Sino ba itong sakristan na ito?’ So kapag nalaman nila yung kwento through relic tour committee, nai-engganyo silang maglingkod. So nakakapagbigay po tayo ng mas maraming bokasyon sa paglilingkod, sa pagiging sakristan sa ating Simbahan,” pahayag ni Turiaga.
Ipinaliwanag ni Turiaga na layunin ng relic tour na ipakilala sa mga kabataan ang halimbawa ni San Tarcisius, ang batang martir na nag-alay ng kanyang buhay sa pagtatanggol sa Banal na Eukaristiya, upang magsilbing huwaran ng pananampalataya, katapatan, at paglilingkod.
Inaasahan ng mga tagapag-organisa na bukod sa pagpapalalim ng debosyon sa Eukaristiya, magsisilbi rin ang pagdalaw ng relikya bilang daan upang mahubog ang bagong henerasyon ng mga altar servers at iba pang kabataang handang maglingkod sa Simbahan.
Si San Tarcisius ay isang batang Kristiyano sa Roma noong ikatlong siglo, sa panahon ng matinding pag-uusig.
Bilang acolyte itinalaga siya upang magdala ng Banal na Eukaristiya para sa mga bilanggong Kristiyano ngunit tumangging ipakita sa mga pagano ang kanyang dala, dahilan upang siya ay bugbugin hanggang mamatay.
Dahil sa kanyang sakripisyo, siya ay kinilalang martir at ngayo’y patron ng mga sakristan at altar servers, na isang huwaran ng tapang, pananampalataya, at pagmamahal kay Kristo.




