3,482 total views
Hinimok ni Cardinal Luis Antonio Tagle, Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization, ang mga mananampalataya na makiisa sa 12th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE 2026) na may temang “Sangkay: I have called you friends” mula sa Ebanghelyo ni San Juan.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang taunang pagtitipon ng PCNE ay pagkakataon upang pagnilayan kung paano maisasabuhay ng mga Kristiyano ang paanyaya ni Hesus na ituring ang isa’t isa bilang mga kaibigan.
“Tinawag tayo ni Jesus, kayo’y aking mga kaibigan. Sinasabuhay ba natin ito? Paano natin ito maipahahayag sa kilos, salita at gawa?” pahayag ni Cardinal Tagle.
Ipinaliwanag ng kardinal na ang pakikipagkaibigan ay hindi lamang dapat manatili sa salita, kundi kailangang makita sa paraan ng pamumuhay, pakikitungo sa kapwa, at maging sa mga istrukturang binubuo ng Simbahan at lipunan.
Binigyang-diin niya na ang tunay na pagsunod kay Kristo ay nangangailangan ng paglikha ng mga komunidad na nakabatay sa malasakit, pagtanggap, at pagkakaisa.
“Ang ating mga istruktura ay istruktura ng pakikipagkaibigan,” pahayag ni Cardinal Tagle.
Isasagawa ang PCNE XII mula July 24 hanggang 26, 2026 sa University of Santo Tomas (UST) Quadricentennial Pavilion sa Maynila.
Mahahati ang pagtitipon sa dalawang bahagi: ang PCNE for All sa July 24 hanggang 25, at ang PCNE All Youth naman sa July 26.
Tampok sa unang araw ng PCNE ang pagluluklok sa imahen ng Our Lady of the Rosary of Manaoag, Banal na Misa na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, at keynote address ni Naval Bishop Rex Ramirez tungkol sa “Relational Conversion” o pagbabago ng ugnayan ng tao tungo sa pakikipagkaibigan kay Kristo.
Pangungunahan naman ni Cardinal Tagle ang Heart-to-Heart na may paksang Friendship and Accompaniment, at ang Plenary Talk na pagtutuunan ang “The Banquet of Friends: The Eucharist as the School of Relational Conversion.”
Sa ikalawang araw, Hulyo 25, pagtutuunan ng pansin ang ugnayan ng tao sa Diyos, kapwa, at sangnilikha sa pamamagitan ng mga panalangin at talakayan tungkol sa pagmamahal sa kapwa, digital age, at pagiging mga alagad na handang magmisyon. Magtatapos ito sa Banal na Misa na pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Itatampok naman sa ikatlong araw ang PCNE All Youth, na may mga programa tulad ng “Lakbay Sangkay” at “Sangkay META (Mission, Evangelization, Testimony, and Action)”, gayundin ang mga plenary talk ni Cardinal Tagle tungkol sa misyon at pananampalataya ng kabataan.
Nanawagan si Cardinal Tagle sa mga layko, pari, relihiyoso, at iba pang mananampalataya na makiisa sa pagtitipon upang sama-samang tuklasin kung paano maisasabuhay ang mensahe ng pakikipagkaibigan ni Kristo sa kasalukuyang panahon.
Unang isinagawa ang Philippine Conference on New Evangelization noong 2013 sa pangunguna ni Cardinal Tagle, na noo’y Arsobispo ng Maynila, bilang tugon sa panawagan ng Simbahang Katolika para sa New Evangelization.




