384 total views
Nanawagan ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) na tiyaking ang panukalang Pax Silica Project ay magiging daan sa pangmatagalang pambansang kaunlaran at hindi lamang sa pagkuha ng likas na yaman ng Pilipinas.
Sa inilabas na pahayag, kinilala ng CEAP ang malaking potensyal ng proyekto na palakasin ang papel ng Pilipinas sa pandaigdigang industriya ng semiconductors, artificial intelligence (AI), renewable energy, at advanced manufacturing.
Ayon sa samahan, maaari itong makahikayat ng US$40 hanggang US$70 bilyong pamumuhunan at lumikha ng mahigit 130,000 dekalidad na trabaho para sa mga inhinyero, siyentipiko, mananaliksik, at iba pang skilled workers.
Gayunman, iginiit ng CEAP na hindi sapat na sukatin ang tagumpay ng proyekto batay lamang sa dami ng trabaho o laki ng pamumuhunan.
“The project’s long-term success should not be measured solely by investment commitments or employment figures. A legitimate concern raised by many sectors is that the Philippines could eventually surrender more than it gains if finite natural resources are extracted while much of the economic value, technological expertise, and downstream manufacturing remain abroad. ” Bahagi ng pahayag ng CEAP.
Binigyang-diin ng samahan na kailangang matiyak na ang Pax Silica sa Pilipinas ay magsisilbing pundasyon ng technology transfer, research and development, advanced manufacturing, at workforce development, sa halip na manatiling simpleng raw materials na iniluluwas sa ibang bansa.
Nagbabala rin ang CEAP kaugnay sa pag-aalinlangan ng publiko dahil sa mga nakaraang proyektong nangako ng kaunlaran ngunit nauwi sa pagkasira ng kalikasan at kakulangan ng benepisyo sa mga komunidad.
“Public resistance to the Pax Silica Project should therefore be understood within this broader context. Many Filipinos have witnessed extractive projects that promised economic progress but resulted in environmental degradation, insufficient community benefits, weak regulatory enforcement, or limited local industrial development, making public skepticism both understandable and legitimate.” Dagdag pa ng CEAP.
Giit ng samahan, hindi dapat balewalain ang mga pag-aalala ng taumbayan sapagkat nakaugat ito sa mga nakalipas na karanasan na nakaapekto sa buhay at kabuhayan ng maraming mamamayan.
“These concerns should not be dismissed as opposition to development but recognized as important questions about intergenerational equity, environmental sustainability, and national economic strategy.” Ayon pa sa CEAP.
Dahil dito, nanawagan ang samahan para sa higit na transparency, makabuluhang partisipasyon ng publiko, independent environmental monitoring, patas na benepisyo sa mga komunidad, at malinaw na polisiya sa local processing at value-added industries.
Iginiit din ng CEAP na ipinapakita ng karanasan ng ibang bansa na ang pinakamalaking pakinabang mula sa mga strategic minerals ay nakakamit kung ang isang bansa ay namumuhunan sa innovation, manufacturing capability, skilled human capital, at matatag na mga institusyon, at hindi lamang sa pagmimina.
Bilang mga Katolikong tagapagtaguyod ng edukasyon, iginiit ng CEAP na ang tunay na pag-unlad ay dapat magtaguyod ng pangangalaga sa kalikasan, pananagutan sa mga susunod na henerasyon, at kabutihang panlahat upang ang mga biyaya ng likas na yaman ay maging daan sa makatarungan at inklusibong pag-unlad ng bansa.




