14,690 total reads
Matagumpay na naidaos ng Church People Workers Solidarity ang ikatlong General Assembly nito sa Talisay City, Negros Occidental sa temang “Faith in Action, Justice for Workers: 14 Years of Solidarity, Continuing the Struggle.”
Sa gawain ay tinipon ang mga lider ng simbahan, manggagawa, at mga tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa upang higit pang palakasin ang kanilang pagkakaisa sa pagsusulong ng pananampalataya, katarungan, at dignidad ng mga manggagawa.
Sa isinagawang General Assembly, muling pinagtibay ng Church People Workers Solidarity (CWS) ang pangako nitong patuloy na makiisa sa mga nasa laylayan ng lipunan, palakasin ang tinig ng mga manggagawa, at isabuhay ang pagiging ‘Prophetic Justice’ ng Simbahan sa pagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasabay nito, nangako ang CWS na higit pang palalawakin ang mga ministries, kampanya, at adbokasiyang pangkomunidad upang maipagpatuloy ang pagsusulong ng makatarungang kalagayan sa paggawa.
Hiniling din ng CWS ang panalangin para sa karunungan, lakas ng pangangatawan, at panibagong sigla sa pagpapatupad ng mga resolusyon at programang napagkasunduan sa pagtitipon .
Sa huli a binigyang-diin ng CWS ang mensahe mula sa First Corintthian 15:58 na nananawagan sa mga mananampalataya na manatiling matatag at buong pusong maglingkod sa Panginoon, bilang paalala na ang bawat pagsisikap para sa katarungan at kapakanan ng mga manggagawa ay hindi nasasayang sa harap ng Diyos.




