1,287 total reads
Aabot sa P107.4 billion ang panukalang alokasyon para sa mga flood control project sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program o NEP.
Ito ang sinabi ni Acting Budget Secretary Kim Robert De Leon sa press briefing sa Kamara matapos ang pormal na turnover ng 2027 NEP sa Kongreso.
Sa 2027 National Expenditure Program, merong P107.4 billion pesos na mga proyekto under flood control, kabilang na dyan ang maintenance, repair, rehabilitation, at improvement ng mga existing infrastructure,” paliwanag ni De Leon.
Sa kabuuang halaga, P19.6 billion ang nakalaan para sa capital outlay, kabilang ang mga nagpapatuloy na foreign-assisted projects.
Samantala, may hiwalay na P3.41-billion flood control program ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA para sa maintenance at operasyon ng mga kasalukuyang flood control structure.
Ayon kay De Leon, binigyang-prayoridad muli ang flood control projects dahil malinaw ang pangangailangan sa mga ito, lalo na ngayong sunod-sunod ang pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng bansa.
“Alam po ninyo lalo na ngayon na nag-uulan at nakikita po natin number one, yung kahalagahan ng pagkakaroon ng maaayos na flood control projects upang maiwasan na makapaminsala yung excessive water na lumalabas sa ating mga kalsada. Kaya po nung pinag-uusapan natin yung pagbuon (1:30:59) ng 2027 National Expenditure Program, isa po ito sa mahalagang konsiderasyon, kung ibabalik yung flood control project,” ayon kay De Leon.
Kabilang aniya sa konsiderasyon sa pagbuo ng 2027 NEP ang pagpapatuloy ng mga nasimulan nang proyekto upang hindi masayang ang pondong nailaan at ang mga imprastraktura na kailangan pang tapusin.
Tiniyak naman ng DBM na may mga safeguard at mekanismo sa monitoring upang matiyak na maayos na naipatutupad ang mga flood control project at maiwasan ang mga tinatawag na ghost project.
Kabilang dito ang paggamit ng COMPASS, DPWH Transparency Portal, at Project Digital Information for Monitoring and Evaluation o DIME ng DBM.
Matatandaang walang inilaan na bagong pondo para sa flood control projects sa 2026 national budget, kasunod ng kontrobersiya at mga alegasyon ng katiwalian sa ilang proyekto.




