3,535 total reads
Mga Kapanalig, “people over profit” at “labor over capital” ang ilan sa mga prinsipyong itinataguyod ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan kapag pinag-uusapan ang mga isyung may kinalaman sa paggawa o pagtatrabaho.
Nakaugat ang pagtatrabaho nating mga tao sa ating dignidad bilang mga nilikhang kawangis ng Diyos. Ang mga manggagawa ay hindi mga instrumentong ginagamit lamang ng mga namumuhunan para kumita at para lumago ang kanilang negosyo. Ang tao ang sentro ng paggawa. Wika nga sa Ebanghelyo ni San Lucas, “ang manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng sahod.”
Sa mga kaisipang ito maaari nating tingnan at suriin ang balita tungkol sa pagpigil ng korte na maipatupad ang dagdag-sahod para sa mga minimum wage earners dito sa Metro Manila.
Noong Hulyo, inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board para sa NCR ang Wage Order No. 27 na itinataas sa ₱780 kada araw ang minimum wage sa Metro Manila mula ₱695 kada araw. Ang ₱85 na dagdag-sahod ay utay-utay na ibibigay: ₱60 muna ang ibibigay simula Hulyo at ang natitirang ₱25 naman ay ibibigay sa Enero ng susunod na taon.
Pero naantala ang magandang balita na ito matapos dumulog sa korte ang dalawang construction companies para ihinto ang pagpapatupad ng wage hike order. Ayon sa dalawang kompanya, itataas kahit ng paunang dagdag na ₱60 sa daily minimum wage ang gastos nila sa pasahod at mga kaugnay na benepisyo. Mababawasan daw ang kanilang kakayahang kumita na maaari daw mauwi sa pagtatanggal ng mga empleyado at pagtigil ng kanilang operasyon. Magsisilbing hadlang din daw ang dagdag-sahod sa pagkuha nila ng mga proyekto dahil lalakí nga ang kanilang gastusin para sa pasahod.
Sinang-ayunan ito ng korte, kaya naglabas ito ng temporary restraining order (o TRO). Sa araw ng pagtatapos ng bisa ng TRO na ito, naglabas ang korte ng writ of preliminary injunction—ibig sabihin, tuloy ang paghinto sa umento sa minimum wage hanggang maglabas ng pinal na desisyon ang korte.
Nababahala ang mga grupong manggagawa dahil kapag tumagal ang kaso, maaantala din ang dagdag-sahod na kailangang-kailangan ng ating mga manggagawa at kanilang pamilya. Siguro naman ay ramdam din ninyo ang mataas na presyo ng mga bilihin at iba pang gastusin gaya ng pamasahe at upa sa bahay. Sabi nga ng marami, sa mahal ng mga bagay-bagay, wala nang natitira sa sinasahod ng mga empleyado, lalo na ng mga minimum wage earners. Mas mahirap pa ang kalagayan ng mga nasa informal sector na hindi pare-pareho ang kinikita sa isang araw, at may mga pagkakataon pang mas mababa sa minimum wage ang naiuuwi nila sa kanilang pamilya.
May mga nagsasabi namang tama lang na huwag munang ipatupad ang wage hike. Dahil sa dagdag na labor costs, mapipilitan ang mga negosyanteng ipasa ito sa presyo ng mga produkto at serbisyong ibinibenta nila. Masasaktan daw ang mahihirap at mga walang trabaho. Mahihirapan din daw ang mga maliliit na negosyo na hindi naman kalakihan ang tinutubo. Giit nila, dapat ding protektahan ang interes ng mga maliliit na negosyo at ang mga trabaho mismo.
Pero hindi naman maliliit na negosyo ang naghain ng reklamo sa korte. Mga dambuhalang construction companies ang mga ito, at sila mismo ang nagsabing malalagay sa alanganin ang kanilang kita. Kita ang kanilang pangunahing inaalala, hindi ang kapakanan ng kanilang mga manggagawa.
Mga Kapanalig, hindi na sumasabay ang sahod ng mga manggagawa sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Pero ang dagdag-sahod ay isang bahagi lamang ng solusyon—marami pang kailangang ayusin sa uri ng ekonomiyang umiiral sa ating bansa. Naghihintay ang taumbayan—lalo na ang mga manggagawa—sa paninindigan ng gobyerno hinggil sa pahirapang dagdag-sahod.
Sumainyo ang katotohanan.




