2,977 total reads
Naniniwala si House Prosecution Panel Member, Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na mahalaga ang cross-examination ng depensa kay financial forensic analyst Atty. Alexander Cabrera upang masuri ang kanyang mga natuklasan hinggil sa umano’y ₱817.87 milyong undeclared assets at income nina Vice President Sara Duterte at kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Ridon na si Cabrera ang huling witness na iniharap ng prosecution sa Impeachment Court kung saan inihayag ni Cabrera na nakabatay ang kanyang pagsusuri sa bank, tax, anti-money laundering at corporate records.
Kabilang sa naging computation ni Cabrera ang umano’y undeclared cash, properties, income at business interests ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025.
Ayon kay Ridon, susubukan ng depensa na kuwestiyunin ang kredibilidad at methodology ni Cabrera sa cross-examination.
“Inaasahan na po natin na susubukan po ng depensa na i-test ‘yung kredibilidad po ni Attorney Cabrera, particularly dahil nakita po natin, more than 800 million ‘yung pinag-usapan natin noong nakaraan, na supposedly unexplained wealth ng ating Vice President at ng kanyang asawa.” Bahagi ng pahayag ni Ridon sa Radyo Veritas.
Kabilang din sa mga binigyang-pansin ni Cabrera ang ilang credit-card transactions na tinukoy niya bilang “unusual or questionable banking behavior,” kabilang ang mga gastusin sa Nike stores sa Davao at Kuala Lumpur at isang restaurant sa Tokyo.
Para kay Ridon, mahalagang tingnan ang mga gastusing ito bilang bahagi ng kabuuang financial picture na sinusuri sa impeachment trial.
“’Yung pinaka-talagang umaatikabong bagay po diyan, bukod doon sa figure na ₱800 million, ‘yung credit card purchases… Parang hindi ho natin ‘yun na-imagine bilang mga Pilipino. Halimbawa, ‘yung pagkain na lang sa isang restaurant ng 200,000, parang ganoon pala ‘yun. Ganun ba ‘yun? Ganun ba ‘yung simpleng buhay? Parang hindi ata ganun ‘yun.” Dagdag pa ni Ridon.
Ibinahagi rin ni Ridon ang kahalagahan ng usapin sa GenCorp matapos talakayin sa pagdinig ang pagkakaiba sa corporate records at sa pagkakabanggit nito sa SALN.
“’Yung GenCorp, nilista pa rin po ng Pangulong Pangulo sa kanyang SALN, kahit wala siya doon sa records. Ang sabi lang po ni Attorney Cabrera doon, it is too important to lose.” Ayon kay Ridon.
Ayon kay Ridon, bahagi ng malaking halaga sa computation ni Cabrera ang tinukoy niyang share na nauugnay sa GenCorp.
“Talagang malaking chunk noong kanyang supposed unexplained wealth ay nagmumula doon sa kanyang supposed share from GenCorp.” Ani Ridon.
Para kay Ridon, mahalaga rin ang cross-examination upang mabigyan ng pagkakataon ang depensa na ipaliwanag o kontrahin ang mga dokumento at computation na iniharap ng prosecution.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang impeachment trial habang isinasagawa ang cross-examination kay Cabrera, na siyang huling witness ng House prosecution panel bago ito tuluyang magpahinga sa presentasyon ng ebidensya.




