868 total reads
Hinimok ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang publiko na huwag panghinaan ng loob sa harap ng patuloy na tensyon at mga insidente ng harassment sa West Philippine Sea, habang ipinagpapatuloy ng pamahalaan ang pagbabantay at pagpapatupad ng karapatan ng Pilipinas sa sariling maritime domain.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, AFP Special Spokesperson for the West Philippine Sea na kabilang sa mga insidenteng kinakaharap ng Pilipinas ang pagtatangkang harangin ang mga barkong nagsasagawa ng rotation and resupply mission patungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Pagbabahagi ni Trinidad, bagama’t maaaring tingnan ang mga insidenteng ito bilang magkakahiwalay na panggugulo, dapat ding makita ang mas malawak na pattern ng mga kilos sa West Philippine Sea kabilang ang presensya ng mga Chinese vessel at marine scientific research activities.
Iginiit ng opisyal na malinaw na nasa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ) ang ilang lugar na pinapasok ng mga dayuhang barko.
“Number one, alam po nila na ito ay nasa loob ng ating EEZ. That is around 90 nautical miles west of Palawan. Alam ng lahat ng mga dumadaan ng barko diyan sapagkat nakalagay ‘yan sa mga nautical charts, mga electronic chart. So alam nila. Number two, sinasadya nila. Number three, nais nilang ipatupad ‘yung kanilang non-existent 9-dash line.” Bahagi ng pahayag ni Trinidad sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, sinabi ni Trinidad na hindi kailangang humingi ng pahintulot ang Pilipinas upang magsagawa ng regular na operasyon sa mga lugar kung saan mayroon itong sovereign rights sa ilalim ng international law.
“Ito ay teritoryo natin, ito ay within our exclusive economic zone. Oho. On some areas na may high tide elevation, meron tayong territorial, so we have sovereignty. On the other areas, we have our sovereign rights. Maliwanag po na hindi po natin kailangang magpaalam ni nino man.” Dagdag pa ni Trinidad.
Samantala, kinumpirma rin ng Philippine Coast Guard na noong Oktubre ay nag-deploy ito ng mga barko at eroplano upang hamunin ang Chinese research vessel Tan Suo Yi Hao malapit sa Hubo Reef matapos matukoy na nagsasagawa ito ng marine scientific research sa loob ng Philippine EEZ, kung saan ayon sa DFA, wala rin itong natanggap na kahilingan mula sa China para sa naturang research activity.
Ipinaliwanag ni Trinidad na magkakaugnay ang monitoring ng AFP, Philippine Coast Guard, BFAR, Maritime Police at iba pang ahensya upang mabuo ang tinatawag na “common operative picture” sa maritime domain ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
“We share the information with everybody para malaman at makaroborate, ma-validate o masubstantiate ‘yung mga pumapasok na information.” Ayon pa kay Trinidad.
Para kay Trinidad, mahalagang manatiling matatag ang Pilipinas sa harap ng tinatawag ng AFP na mga “gray zone” o coercive at aggressive activities.
“Number one, ang importante dito, ‘wag tayong mahinaan ng loob. Napakaganda ‘yun ang gusto nilang tibagin. ‘Yung national resolve natin, ika nga, ‘yung will to fight natin.” Ani Trinidad.
Hinimok din ng opisyal ang publiko na patuloy na magtiwala at sumuporta sa mga institusyong may mandato na protektahan ang maritime rights ng bansa, habang pinananatili ang kapayapaan at iniiwasang umabot sa armadong tunggalian ang mga insidente sa West Philippine Sea.
Sa kasalukuyang monitoring ng AFP, 101 Chinese vessels ang naitala sa ilang maritime features sa West Philippine Sea noong Setyembre 2026 na halos doble sa 56 na na-monitor noong Agosto 2026, na ayon kay Trinidad ay nagpapakita ng pagpapatuloy ng mga tinatawag nitong illegal, coercive, aggressive and deceptive activities.




