1,021 total reads
Pinangunahan ni Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle ang Banal na Misa sa Vatican ngayong Oktubre 14, 2026 bilang pagtatapos ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng Apostolic Exhortation ni Pope Francis na Amoris Laetitia at bilang pananalangin para sa paggaling ni Pope Leo XIV.
Ipinagkatiwala kay Cardinal Tagle ang pangunguna sa Banal na Misa matapos maospital ang Santo Papa para sa isang operasyon sa baga.
Partikular na ipananalangin sa Misa ang kalusugan ng Santo Papa gayundin ang mga pamilya at mag-asawa.
Ginanap ang Banal na Misa sa St. Peter’s Square na dinaluhan ng mga lider ng Eastern Catholic Churches, mga pangulo ng mga Catholic Bishops’ Conferences, mga mag-asawa at mga eksperto na lumahok sa pagtitipon na tumatalakay sa pagpapatuloy ng pastoral accompaniment ng Simbahan sa mga pamilya.
Si Cardinal Tagle ay ang Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization at kamakailan lamang ay napili bilang bagong Dean ng College of Cardinals, bilang kahalili ni Cardinal Giovanni Battista Re.
Bilang Dean ng College of Cardinals, isa sa mga unang malalaking Vatican liturgical responsibilities ni Cardinal Tagle ang pangunguna sa Misa para sa pagtatapos ng Amoris Laetitia gathering sa Vatican.
Samantala ayon sa Holy See Press Office, naging matagumpay ang operasyon at walang naging komplikasyon ang isinagawang operasyon kay Pope Leo XIV sa Agostino Gemelli University Hospital sa Rome noong Oktubre 13, 2026.
Inalis ng mga doktor ang lower lobe ng kanang baga ng Santo Papa sa pamamagitan ng video-assisted procedure.
Iniulat naman ng Vatican noong Miyerkules na nagising nang normal ang Santo Papa matapos ang operasyon at, matapos ang maikling panahon ng pagmamasid, ay bumalik sa kaniyang silid sa ika-10 palapag ng Gemelli Hospital.
Bago ang operasyon, personal na hiniling ni Pope Leo XIV ang panalangin ng mga mananampalataya matapos niyang ihayag na may nakita ang mga doktor na maliit at localized na bukol sa kaniyang baga.
Sa pangunguna ni Cardinal Tagle sa Banal na Misa, naging sentro rin ng panalangin ng Simbahan ang kalusugan ng Santo Papa at ang patuloy na pagtulong at paggabay sa mga pamilya na isang mahalagang tema ng Amoris Laetitia at ng pagtitipon sa Vatican.




