1,062 total reads
Hinimok ni Caritas Philippines President at San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang Simbahan at pamahalaan na paigtingin ang proteksiyon sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, kasabay ng pasasalamat sa ganap na paglaya ni Mary Jane Veloso matapos ang 16 na taong pagkakakulong sa Indonesia.
Sa misa pasasalamat na idinaos sa Our Lady of Remedies Parish o Malate Church, binigyang-diin ni Alminaza na hindi dapat ituring na pardon ang paglaya ni Veloso, dahil naniniwala siyang inosente ito at biktima ng human trafficking.
Inihayag ng Obispo na hindi rin mababawi ang 16 na taong nawalay si Veloso sa kaniyang mga anak at pamilya, kaya nararapat ding panagutin at kondenahin ang kawalang-katarungang sinapit nito.
Nanawagan ang obispo na magkaroon ng sapat at makatarungang trabaho sa Pilipinas upang hindi mapilitang mangibang-bansa ang mga mamamayan para lamang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
“Hindi natin sinasabi na pardon. Kasi kapag sinabi mong pardon, ibig sabihin, may kasalanan siya at pinatawad. In the first place, naniniwala tayo na inosente siya. Victim siya ng human trafficking. At kahit na nagdiriwang tayo ngayon, hindi nito binubura ang mahabang panahon na talagang naghirap ang pamilya,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Alminaza.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang tiyakin ang patas na sahod, seguridad at proteksiyon ng mga migranteng manggagawa laban sa pananamantala at human trafficking.
Hinimok din ni Alminaza ang mga ahensiya ng pamahalaan at mga ministeryo ng Simbahan na tulungan ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa at huwag pabayaan ang kanilang mga pamilyang naiiwan.
Kasabay nito, nanawagan siyang pabilisin ang paghahanap ng hustisya at pagbutihin ang sistema ng hustisya, lalo na para sa mga bilanggo na maaaring inosente o nakapagsilbi na ng higit sa nararapat na sentensiya.
Sa kabila ng pagdiriwang sa paglaya ni Veloso, ipinaalala ng obispo na marami pang Pilipinong maaaring nakararanas ng kaparehong pagsasamantala at nangangailangan ng tulong. Hinamon niya ang Simbahan at pamahalaan na tiyaking walang Pilipinong mawawalan ng pag-asa dahil sa kakulangan ng suporta, oportunidad at katarungan.




