1,928 total reads
Hinimok ng lider ng Simbahan ang mga deboto ni Saint Jude Thaddeus na maging instrumento ng pag-asa, kagalakan at kapayapaan sa gitna ng mga pagsubok at pangamba sa mundo, kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng patron ng mga walang pag-asa.
Binigyang-diin ni Diocese of San Jose Bishop Samuel Agcaracar na nararapat maging taga-paghahatid ng kapayapaan at pagkakasundo ang bawat Katoliko, lalo na sa panahong nahaharap ang mundo sa iba’t ibang hamon.
Inihayag ng Obispo na ang kapayapaang nagmumula kay Kristo ang makatutulong upang maibsan ang pangamba ng mga tao, habang nagsisilbing inspirasyon si Saint Jude Thaddeus sa mga dumaranas ng mahihirap na sitwasyon.
“Happy fiesta to all and I would like to congratulate all devotees to St. Jude. And may all of us remain channels of peace, especially in a world now that seeks for peace and reconciliation. And you know, we offer only the peace of Christ because this is the only cure to the anxieties of us all today. Yeah. St. Jude has always been an icon, a symbol of hope to the hopeless, especially for us who face difficult situations. And in a world that is torn with enormous challenges, this is where St. Jude can remind us, can be an instrument of hope and inspiration, and this is our duty as Catholics, as devotees. May we remain instruments of hope and joy in this world,” pahayag ni Bishop Agcaracar sa Radyo Veritas.
Ibinahagi naman ni National Shrine of Saint Jude Thaddeus Rector and Parish Priest Father Alex Vitualla, SVD, na ang buhay ng santo ay paalala na huwag sumuko sa gitna ng mga paghihirap dahil may Diyos na maaasahan at mapagkakatiwalaan.
Ipinaliwanag niyang hindi ang sariling kakayahan ni Saint Jude Thaddeus ang dahilan ng kaniyang pagiging huwaran, kundi ang matibay niyang pananalig kay Hesukristo.
Ayon kay Father Vitualla, hinihikayat ng debosyon kay Saint Jude Thaddeus ang mga mananampalataya na kumapit sa Diyos sa halip na magpadaig sa kanilang mga kahinaan.
Binigyang-diin din niya na ang pagtitiwala sa awa ng Diyos ay dapat isabuhay araw-araw, upang maging patuloy na pagdiriwang ng buhay ang pananampalataya.
Sinasabi sa Spe Salvi ni Pope Benedict XVI, na ang pag-asang nagmumula sa pananampalataya sa Diyos ay nagsisilbing lakas ng tao sa pagharap sa mga pagsubok.




