934 total reads
Isinusulong ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang mensahe ni Pope Leo XIV sa pagpapalalim ng pananampalataya ng mga kabataan sa pamamagitan ng paglilingkod sa mahihirap, pagboboluntaryo at pangangalaga sa kalikasan.
Binigyang-diin ng C-E-A-P na higit pa sa simpleng gawaing pangkomunidad ang paglilingkod sa kapwa, dahil nakatutulong ito sa paghubog ng malasakit, pasasalamat at pagpapahalaga ng mga kabataan sa ibang tao at sa sangnilikha.
Inihayag ng C-E-A-P na ipinapaalala ng Santo Papa na lumalalim ang pananampalataya kung isinasabuhay ang panalangin sa makabuluhang gawain para sa kapwa.
“Service to others is more than an activity. It helps young people grow in compassion, gratitude, and care for others and for creation, Pope Leo XIV reminds us that faith grows deeper when prayer is lived out through meaningful action,” ayon sa mensahe na binahagi ng CEAP.
Sinusugan ng C-E-A-P ang mensahe ng Santo Papa sa mga dumalo sa International Congress for Pastoral Care in Schools and Universities na isabuhay ang pananampalataya sa pamamagitan ng makabuluhang pagkilos.
Ayon kay Pope Leo XIV, hindi lamang karagdagang gawain ang paglilingkod sa mahihirap, pagboboluntaryo at pangangalaga sa sangnilikha, kundi mga pagkakataong humuhubog sa mas malawak na malasakit ng puso.
Hinimok naman ng C-E-A-P ang mga paaralang Katoliko na higit pang bigyang-puwang ang mga gawaing naglalapit sa mga mag-aaral sa mahihirap at mga nangangailangan.
Iginiit ng samahan ng mga katolikong paaralan sa Pilipinas na ang pagsisilbi ng mga kabataan sa nangangailangan ay bahagi ng kanilang paghubog sa pananampalataya at pananagutang panlipunan.




