1,539 total reads
Hinimok ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila, ang mga mananampalataya na gawing hamon ang pagdiriwang ng All Saints’ Day upang higit na lumago sa kabanalan, pag-ibig, at paglilingkod sa kapwa.
Sa kanyang homiliya sa Banal na Misa para sa mga Yumao sa Holy Trinity Chapel ng Loyola Memorial Park sa Marikina City, sinabi ni Fr. Pascual na siya ring dating pangulo ng Radyo Veritas na mahalaga ang pagdalaw at pananalangin para sa mga pumanaw, habang ipinapaalala rin na ang paggunita sa mga banal ang patutunguhan ng bawat Kristiyano ang makasama ang Diyos sa langit.
“Doon ang ating direksyon, langit ang ating destinasyon. Happy ending, ika nga, ang ating direksyon at hindi sa impyerno.” Bahagi ng pagninilay ni Fr. Pascual sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin din ng Pari na ang buhay sa mundo ay isang paglalakbay at hindi ang tunay na tahanan ng tao, sapagkat nilikha ang bawat isa para sa Diyos at ang bokasyon ng bawat Kristiyano ay ang mamuhay nang banal.
Ipinaalala rin ni Fr. Pascual na batay sa Lumen Gentium ng Second Vatican Council, ang kabanalan ay hindi lamang para sa iilang tao kundi isang panawagan sa lahat ng mananampalataya.
“Holiness is the mission of all believers.” Dagdag pa ni Fr. Pascual.
Aniya, anuman ang bokasyon o propesyon ng isang tao maging pari, asawa, manager, negosyante o manggagawa ay maaari itong maging daan tungo sa kabanalan kung isinasabuhay ang pananampalataya sa araw-araw
Ayon sa Pari, ang unang tanda ng kabanalan ay tunay na pagsamba sa Diyos, sa halip na gawing pinakamahalaga ang kapangyarihan, kayamanan, karangalan o iba pang bagay na maaaring mawala.
Binigyang-diin din ni Fr. Pascual ang pag-ibig bilang sentro ng buhay Kristiyano, kung saan binigyang diin ng Pari na ang tao ay nilikha bilang bunga ng pag-ibig ng Diyos at ang bunga ng tunay na pananampalataya ay pag-ibig.
Ayon kay Fr. Pascual, “To will the good of the other. ’Yan daw ang pag-ibig.”
Kaugnay nito, hinamon din ng Pari ang mga mananampalataya na isabuhay ang pananampalataya hindi lamang sa loob ng simbahan kundi maging sa pamilya, trabaho, komunidad at lipunan.
Binigyang-diin ni Fr. Pascual na ang kabanalan ng bawat tao ay may epekto rin sa pamilya at sa lipunan, kabilang ang paraan ng pakikitungo sa kapwa at pagganap sa mga tungkulin bilang mamamayan.
Sa bahagi ng kanyang homiliya tungkol sa buhay pampubliko, hinimok naman ni Fr. Pascual ang mga Pilipino na maging mapanuri at responsable sa paggamit ng kanilang karapatang bumoto, at isipin ang kabutihan ng bansa sa pagpili ng mga mamumuno.
“Kung talaga mahal natin ang ating bansa tulad ng pagmamahal sa atin ng Diyos, to will the good of the other, isipin natin ang ikabubuti ng ating bansa.” Paalala ni Fr. Pascual.
Para kay Fr. Pascual, ang All Saints’ Day ay higit pa sa paggunita sa mga pumanaw sa halip ito ay paalala sa mga nabubuhay na ang bawat isa ay tinatawag na tahakin ang landas ng kabanalan at ihanda ang sarili sa pakikipag-isa sa Diyos.
“Hindi lang ’yan tungkol sa patay, na pumanaw, ’yan ay hamon para sa atin lahat.” Ayon pa kay Fr. Pascual.
Binigyang-diin din ng Pari na ang langit ay larawan ng ganap na pag-ibig, kapayapaan at kagalakan, kaya dapat nang simulan ng mga Kristiyano ang ganitong pamumuhay habang nasa mundo pa.
“Kaya at napakahalaga na lumago tayo sa kabanalan. ’Yan ang ating bokasyon bilang Kristiyano, isa lang ang bokasyon natin, maging banal ka, kung saan man ang iyong propesyonal, ano man ang iyong ginagawa sa buhay, lumago ka bilang isang banal na anak ng Diyos.” Dagdag pa ni Fr. Pascual.
Ang taunang Banal na Misa para sa mga Yumao ay taunang isinasagawa sa Holy Trinity Chapel ng Loyola Memorial Park sa Marikina City tuwing November 1, 2026 bilang paggunita sa Araw ng mga Banal at ng mga Yumao.




