1,449 total reads
Aminado si Balanga Bishop Rufino Sescon Jr. na naging daan ang pananahimik at kawalan ng pagkilos ng Simbahang Katolika sa paglaganap ng fake news at historical distortion sa bansa, kabilang na ang mga salaysay tungkol sa Martial Law at sa kasaysayan ng Pilipinas.
Dahil dito, hinamon ng obispo ang mga layko na huwag manatiling tagatanggap lamang ng impormasyon, kundi maging aktibong tagapagtanggol ng katotohanan at manindigan laban sa disinformation sa lipunan.
“We presumed that everyone already knew the truth. We did not explain it, proclaim it, or defend it. Our silence and complacency allowed misinformation to dominate,” ayon kay Bishop Sescon.
Sa kanyang keynote address sa First National Laiko Assembly sa Cebu City nitong November 6, sinabi ng obispo na hindi maaaring ipagwalang-bahala ng Simbahan ang lumalalang historical distortion, lalo na sa mga kabataang hindi na nakakakilala o hindi na naniniwala sa mga pangyayari noong panahon ng diktadura.
Ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa pakikipag-usap sa mga estudyante kung saan nahirapang tukuyin ang katotohanan, kaya’t mahalagang kumilos ang simbahan, partikular na ang mga layko na katuwang sa misyong pagpapalaganap ng katotohanan.
“Historical distortion and misinformation are now part of our reality, and they are also part of our mission,” giit ng obispo.
Binigyang-diin ni Bishop Sescon na kailangang baguhin ng mga organisasyon ng mga layko ang kanilang pananaw sa misyon ng Simbahan, mula sa pagiging aktibo lamang sa mga gawaing pansimbahan tungo sa mas malawak na pakikibahagi sa mga usaping panlipunan.
Hinimok din ng pastol ang mga layko na gamitin ang kanilang presensya sa mga digital platform upang ipagtanggol ang katotohanan at labanan ang pagkalat ng maling impormasyon.
“We must therefore become responsible digital missionaries,” aniya.
Iginiit ng obispo na hindi dapat ituring ang mga layko bilang mga katuwang lamang ng mga pari sa mga gawain sa parokya, dahil mayroon silang sariling bokasyon at misyon bilang mga binyagang Kristiyano.
“Dear lay faithful, you are not simply helpers of priests. You have your own vocation and mission,” giit ni Bishop Sescon.
Dagdag pa ng obispo na dapat ding suriin ng Simbahan kung paano hinuhubog ang mga layko lalo na sa uri ng misyon ang kanilang pinaghahandaan.
“The question is not simply how we can involve the laity. The question is: For what and for whom are we forming the laity?” tanong ng obispo.
Hinimok ni Bishop Sescon ang mga organisasyon ng mga layko na higit na ituon ang kanilang mga gawain sa pagsusulong ng katarungang panlipunan, pangangalaga sa kalikasan, pagtugon sa krisis sa edukasyon at pakikilakbay sa mga pamilyang nasa iba’t ibang kalagayan.
Binigyang-diin ng obispo na ang tunay na pananampalataya ay hindi dapat magtapos sa mga debosyon at gawaing pansimbahan, kundi dapat humantong sa konkretong pagkilos para sa pagbabago ng lipunan.
“The committed lay person is both active in the church and missionary in the world,” ayon pa sa obispo.
Isinagawa ang First National Laiko Assembly sa temang “One Laiko, One Mission, One Church: Gathering, Connecting, Moving Forward in Synodality,” na naglalayong palakasin ang pagkakaisa, pakikibahagi at misyon ng mga layko sa buhay ng Simbahan.
Dumalo sa pagtitipon ang 208 delegado mula sa 58 lay organizations sa bansa.




