2,266 total reads
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga bansa sa Southeast Asia na magtulungan sa pagtugon sa tumataas na presyo ng langis at pagkain, mga problema sa seguridad at iba pang hamong kinakaharap ng rehiyon.
Sa kanyang pahayag bago ang ika-49 na ASEAN Summit sa Pilipinas, sinabi ni Marcos na hindi kayang lutasin ng isang bansa lamang ang mga problemang ito kaya mahalaga ang pagkakaroon ng magkakasamang plano at solusyon.
Kabilang sa mga nais niyang bigyang-pansin sa summit ang presyo ng mga bilihin, agrikultura, trabaho, kabuhayan at seguridad.
“Marami sa mga problemang ito ay hindi natin kayang solusyunan na mag-isa, kaya’t napakahalaga ng ASEAN. Ito ang pagkakataon para sa mga bansa sa ating rehiyon na mag-usap, magkaunawaan, at magtulungan upang humanap ng mga solusyon sa mga problemang pare-pareho nating kinakaharap,” ayon sa Pangulo.
Samantala, sinabi ng Pangulo na nagkaroon ng dagdag na trabaho para sa ilang lokal na negosyo at manggagawa dahil sa mga paghahanda at pagpupulong na kaugnay ng ASEAN sa bansa.
“Bilang host ng 49th ASEAN Summit, mayroon din tayong napakalaking pagkakataon na manguna sa paghubog ng agenda at bigyang prayoridad ang mga usaping pinakamahalaga sa ating mga kababayan tulad ng presyo ng langis at pagkain, seguridad, agrikultura, trabaho at kabuhayan,” paliwanag pa ni Marcos.
Kabilang dito ang mga maliliit na negosyante, food suppliers, hotel workers, transport operators at mga manggagawa sa creative industry.
Inaasahan din ng Pangulo na makatutulong ang pagtitipon sa pagpapalakas ng turismo sa bansa.
Humingi naman ng pang-unawa ang Punong Ehekutibo sa publiko sa posibleng abala dahil sa mga aktibidad at paghihigpit sa seguridad habang ginaganap ang summit.
Muli ring hinimok ni Marcos ang mga Pilipino na makiisa sa pagtanggap sa mga delegado mula sa iba’t ibang bansa
Photo courtesy: President Bongbong Marcos




