195 total views
June 12, 2020-1:09pm
Nagbabala si Bangued Abra Bishop Leopoldo Jaucian sa mamamayan na maging maingat laban sa mga mapagsamantalang indibidwal na gumagamit ng kanyang pangalan sa pangangalap ng donasyon.
Sa panayam ng Radio Veritas hinimok ni Bishop Jaucian ang mananampalatayang makatatanggap ng mensahe gamit ang pekeng Facebook account ng obispo na i-block at i-report ito upang mapigilan ang masamang gawain nito.
“May gumagamit ng fake FB account na nakapangalan sa’kin, they take this opportunity lalo na sa sitwasyon ngayon para makalikom ng pera gamit ang pangalan ng iba at para sa masamang gawaing panloloko ng kapwa,” pahayag ni Bishop Jaucian sa Radio Veritas.
Ika -11 ng Hunyo ng lumaganap sa Facebook ang account na katulad ng totoong FB account na gamit ng obispo at nagpapadala ng mensaheng humihingi ng donasyon para sa isang kaanak ni Bishop Jaucian na umano’y may malubhang karamdaman.
Unang nakarating sa obispo ang impormasyon ng kumpirmahin ng isang opisyal ng barangay sa Abra ang natanggap na mensahe mula sa pekeng account na humihingi ng P100, 000.
Hiling ni Bishop Jaucian na tulungan siyang i-report ang naturang account at nilinaw nitong hindi ito kailanman humihingi ng pinansyal na tulong para sa kamag-anak o pampersonal.
“Hindi po totoo na nagso-solicit ako; kung pwede paki-block at ignore po ang fake account, hindi po ako humihingi ng any amount for a member of the family,’ dagdag ng obispo.
Ilang opisyal na ng simbahan tulad nina Cardinal Luis Antonio Tagle, Cardinal Orlando Quevedo, Archbishop Jose Palma at iba pa ang ginamit ang kanilang mga pangalan sa pangangalap ng donasyon.
Patuloy nagpapaalaala ang simbahang katolika na maging maingat sa mga modus na paggamit ng pangalan ng simbahan, pari at maging ng mga obispo para makapanloko.
Panawagan ni Bishop Jaucian sa mga nasa likod nito na tigilan na ang paggawa ng pekeng account at panloloko sa kapwa sa halip ay pairalin ang kabutihan lalo na sa gitna ng krisis na dulot ng pandemya.
“Sana po iwasan ang paggamit ng mga fake accounts lalong lalo na ang pagpapalaganap ng mga hindi makatotohanan,” giit ni Bishop Jaucian.
Bukod kay Bishop Jaucian, biktima rin ng facebook cloning si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na una na ring kinasuhan noon ng sedition ng Philippine National Police.
Ang biking priest na si Fr. Amado Picardal na kilalang kritiko sa extra judicial killings at Jonathan Luciano ng Aid to the Church in Need-Philippines.