300 total views
Mga minamahal naming mga OFW’s:
Isang mapagpalang at mapayapang pagbati sa inyong lahat!
Kalakip ng liham na ito ay ang aming panalangin para sa inyong kaligtasan at kalusugan; at amin na rin pasasalamat sa inyong pagpapakasakit sa para sa inyong mga mahal sa buhay at pagtataguyod sa ating ekonomiya. Maraming marami pong salamat.
Batid po natin na may darating na napakamahalagang pangyayari sa ating bansang Pilipinas. At tayo pong lahat ay bahagi nito at may kinalaman dito. Ito po ay tungkol sa atin at para sa atin. Ito po ang pambansang halalan na magaganap sa ika-siyam ng buwan ng Mayo, 2016. Datapuwa’t para sa inyo ang inyong pagboto ay magsisimula sa ika-9 ng Abril hanggang ika-9 ng Mayo.
Dahil po dito, kami po sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People, ay sumusulat sa inyo upang magbigay ng paalala.
Mayroon pong tatlong K ang ating pagboto. Ang pagboto ay ating karapatan. Ang pagboto ay ating katungkulan. Panghuli ang pagboto ay ating kinabukasan.
Una. Ang ating pagboto ay ating karapatan. Wala po sa atin ang dapat mananakot o mamimilit kung sino ay ang iboboto. Tayo po ang dapat magpasya at pumili. Hindi po ito isang bagay na bibilhin o maipagbibili. Hindi po ito isang kasangkapan na maipagpapalit sa pangakong trabaho o puwesto kapag ang sila ay nakaupo na. Ang pagboto ay ating karapatan. Ipinahahayag natin sa pagboto ay ang ating malayang kaisipan at kakayahang humatol kung sino ang totoo, tunay at sadyang tama na mamumuno sa atin.
Ikalawa. Kalakip po ng atin karapatang pagboto ay ang atin katungkulang bumoto. Nararapat lamang na ang nilalaman ng ating isipan ay atin ipahayag sa pagsusulat; ang ninanais ng ating puso ay atin ipaparating sa ating sa pagpili, sa pagboto. Bigyan po natin ito ng kaukulang pansin at seryosong pagkilos. Tayo po ay malayang bumoto. Huwag po nating ipagpaliban. Huwag nating sayangin. Huwag po natin aksayahin. Ang pagboto po ay atin karapatan na dapat gampanan.
Panghuli. Ang ating pagboto ay atin kinabukasan. Ito po ay para sa atin, na tila baga isang paghahasik na sa bandang huli ay tayo rin ang aani. Tayo po ang magtatamasa kung sino ating binoto. At tayo rin maaapektuhan kung sino ang ating inupo sa gobyerno. Kaya naman para sa ating maganda, mapayapa at masaganang kinabukasan nararapat lamang po na ating pagnilayan at magdasal ng mabuti sa ating pagboto.
Matapos po natin mabatid ang kahalagahan ng pagboto sa pamamagitan ng tatlong K, nais po naming mag-iwan sa inyo, bilang inyong Obispo, ng mga pagsusuri sa inyong pagboto. Sa inyo pong kalagayan bilang aming mga minamahal na OFW’s isaalang-alang po ninyo ang apat na P na ito:
Programa sa trabaho
Pangangalaga sa buhay at sa inyong mga mahal sa buhay na naiwan
Paggalang sa inyo at sa inyong karapatang pagkatao
Pagpaparusa sa mga nanglilinlang, umabuso at nagpahamak sa inyo
Una. Nararapat na sila na humihiling ng inyong boto ay mayroon silang maasahan, epektibo at siguradong programa kung papaano magkakaroon ng matiwasay, matatag at marangal na trabaho dito sa ating bansa. Na kayo ay hindi na mapipilitan pang mangibansa pa dahil walang matagpuang trabaho dito sa atin. At ang pagtratrabaho sa ibang bansa ay pansariling kagustuhan lamang ninyo. Ang trabaho ay hindi panandalian lamang. Ang trabaho ay nagbibigay ng wasto, sapat at nararapat na suweldo at benepisyo. Ang trabaho ay tugma sa inyong husay at galing, sa inyong kakayahan at pinag-aralan.
Ikalawa. Nararapat na sila na inyong iboboto ay magtatanggol sa inyo laban sa mga hindi makatarungang pagtingin at pakikitungo sa inyo; laban sa mga maling pagtanggap at paratang; at labag sa makataong pangtrato o pagsuway sa pinagkasunduang kontrata. Kayo ay kanilang pangangalagaan at hindi pababayaan. Kayo ay kanilang iingatan at hindi iisahan. Kayo ay kanilang tutulungan at hindi iiwanan.
Ikatlo. Nararapat na sila na inyong ihahalan ay kumikilala sa inyo na may paggalang, pagmamalasakit at may taos–pusong pasasalamat sa lahat ng inyong ginawa at pinagdaanan. Kayo ay nilalang na may natatanging kagalingan at kahalagahan. Kayo po ay hindi para sa kanila ay statistics. Kayo po para sa kanila ay hindi kasangkapan ng tubo at remittances. Kayo po ay hindi para sa kanila pabigat. Ang pangangalaga sa inyo ay paggalang sa inyong karapatan at kagamitan tulad ng inyong balikbayan boxes. At ang mga ito nararapat lamang na ingatan at pahalagahan. Ang paggalang sa inyong pantaong karapatan ay pagbibigay ng sadyang tulong sa oras ng inyong kagipitan, pangangailangan, at lalo na sa banig ng karamdaman o bingit ng kamatayan.
Panghuli. Nararapat na sila na nagnanais ng ating mga boto ay magpapatupad ng batas upang maparusahan ang sa inyo ay nagpahamak, umaabuso at namloloko. At kayo rin mabigyan ng katarungan sa mga nakatataas o nasa pamahalaan na sa inyo ay hindi tumulong, hindi dumamay at kayo rin ay kanilang pinahirapan o sinamantala ang inyong abang kalagayan at kahinaan. Sa kanilang pagtupad ng batas o sa pagpapalabas ng batas, ang mga ito ay hindi pahirap sa inyo. Hindi kayo ang kawawa. Hindi kayo ang naisahan o naipag-iwanan. Sila na ating iluluklok ay nararapat na may mabuting pagtingin sa atin at hindi para sa kanilang sarili; magtataguyod ng atin magandang kapakanan at hindi para sa kanilang personal kaginhawaan o ng kanilang angkan; at kikilos tungo sa inyong muling pagbabalik bayan at balik hanapbuhay at hindi isinusulong ang pagiging bansang palaging nagpapadala ng maggagawa sa ibayong dagat.
Kinikilala po naming ang inyong pagpapakasakit at inyong pagtitiis. Batid po naming ang lahat ng ito larawan ng inyong pagmamalasakit at pag-ibig sa inyong mga mahal sa buhay at sa ating bayan. At kami sa inyo ay nagpapasalamat. Kalakip ng aming pagpapasalamat ay ang aming panalangin na kayo ay maging palaging ligtas sa lahat ng panganib at kapahamakan, maging malakas at malusog, at maging maayos at mapayapa ang inyong pagtratrabaho, at makauwi sa atin ng maayos.
Hayaan po ninyo na tapusin ko ang liham-pastoral na ito sa pamamagitan ng isang kuwento.
Isang binata ang nanaginip. Sa kanyang panaginip siya raw ay namatay. At siya ay nasa pinto ng Langit at kaharap niya si San Pedro. Nagtanong si San Pedro. Ang sinabi sa kanya, “anong dahilan ang inyong masasabi kung bakit tama lamang na ikaw ay aking papasukin dito sa Langit?” Sumagot yun binata, “San Pedro, tignan po ninyo ang aking mga kamay. And my hands are clean,” sabay lahad ng kanyang palad kay San Pedro. Tinignan nga ni San Pedro ang palad ng binata.
Si San Pedro ay nagsalita, “yes, your hands are clean.” At idinugtong ni San Pedro, “but your hands are also empty.”
Hindi mahalaga na ang ating mga kamay ay malambot o makinis. Hindi sapat na ang ating mga kamay ay maputi o malinis. Higit na mahalaga kung ang ating mga kamay ay puno ng mga mabubuting gawa. Higit na sapat kung ang ating mga palad ay bukas, gumagawa at nag-aalay ng mga magagandang bagay.
Hindi sapat ang mga matatamis na pangako at mabighaning slogans; hindi mahalaga ang sikat na pangalan o magandang itsura. Mas mahalaga ang siyang gumagawa ng totoo, tama at moral.
Mga minamahal namin mga OFW’s maraming salamat ang inyo sapagkat ang inyong mga buhay ay punong puno ng mga mga mabubuting bagay. Ngayon po ay gamitin natin ang ating mga kamay sa pagpili at pagboto ng totoo, tunay at moral na tao.
Tanggapin po ninyo ang aking mga panalangin at bendisyon sa ngalan ng +Ama, ng +Anak, at ng +Spirito Santo. Amen.
+Ruperto Cruz Santos, DD
Obispo ng Balanga at CBCP Episcopal Chairman
for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People