320 total views
July 2, 2020-12:45pm
Naglabas ng bagong panuntunan ang Archdiocese ng Davao kaugnay sa mga gawaing pangsimbahan sa Davao City sa pag-iral ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, bagamat maari nang magsagawa ng misa sa mga parokya ay limitado pa rin ang mga pagkilos bilang pag-iingat mula sa nakakahawang sakit.
Sa kautusan ng arsobispo, magkakaroon ng misa sa mga parokya mula Lunes hanggang Sabado habang pansamantala pa ring ipinagbabawal ang misa ng Linggo sang-ayon na rin sa inilabas na panuntunan ng Davao City.
“Public Masses are already allowed, beginning July 1, 2020 from Monday to Saturday only. Sunday Masses with the people are still prohibited because the Food and Medicine Pass (FM Pass) does not allowed the movement of people during Sundays,” bahagi ng liham circular ni Archbishop Valles.
Pinaalalahanan rin ng arsobispo ang mga pari at mananampalataya na sa ilalim ng MGCQ pinahihintulutan lamang ng pamahalaan sa pamamagitan ng Inter Agency Task Force ang 50-porsiyento sa kabuuang kapasidad ng simbahan ang maaring dumalodadalo sa kabuuang kapasidad ng simbahan at mahigpit na sundin ang mga marka na maaring puwestuhan ng mga tao sa loob ng simbahan.
Nilinaw din ni Archbishop Valles na pinapayagan ang pagdiriwang ng anticipated Sunday Mass sa lahat ng misa sa gabi mula Miyerkules hanggang Biyernes, habang sa Sabado naman ayu maari itong pagdiwang anumang oras sa hapon.
Bagamat pinahintulutan ng lokal na pamahalaan ang pagsasagawa ng ilang religious gatherings tulad ng kasal at binyag sa limitadong bilang lamang ng mga dadalo, pinaiiral pa rin ng arkidiyosesis ang pagbabawal nito sa kasalukuyan upang matiyak ang kalusugan ng mga kawani ng simbahan at mga dadalo sa pagtitipon.
“It is important that we in the Archdiocese should cooperate with the Civil Authority who has the obligation to protect the welfare of the people, especially in this most trying time of the pandemic,” dagdag ng arsobispo.
Batay sa tala ng Department of Health-Davao sa buong rehiyon may 529 na kaso ng COVID-19 kung saan sa naturang bilang Davao City ang nangunguna na may pinakamaraming kaso na naitala sa 411 indibidwal.
Patuloy hinimok ng simbahang katolika ang mananampalataya ng maigting na pananalangin sa Diyos upang mawakasan na ang paglaganap ng corona virus at mahanapan na ito ng lunas para mabawasan ang pangamba at paghihirap ng mamamayan.