7,269 total views
Puspusan na ang paghahanda ng Archdiocese of Caceres sa nalalapit na National Youth Day sa June 10 hanggang 14, 2025.
Sa June 10, sa alas sais ng gabi isasagawa ang Day of Encounter sa mga host parishes gayundin ang Family Liturgy at hapunan kasama ang mga foster families na kukupkop sa mga delegado ng pagtitipon.
Sa June 11, ang Day of Communion, sa alas otso ng umaga magkakaroon ng Youth Coordinators’ Audience sa Episcopal Commission on Youth ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na kasalukuyang pinamumunuan ni Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon sa St. Vincent de Paul Auditorium ng Holy Rosary Minor Seminary sa Naga City kasabay nito magkakaroon ng Parish Encounter ang mga delegado sa kani-kanilang host parishes habang sa alas dose ng tanghali ay magtutungo na sa Naga City para sa Traslacion Procession ng imahe ng Our Lady of Penafrancia sa alas 2:30 ng hapon patungong Naga Metropolitan Cathedral.
Sa alas 4:30 ng hapon isasagawa ang pormal na pagbubukas sa NYD 2025 na susundan ng Banal na Misang pangungunahan ni Archbishop Alarcon sa alas sais ng gabi.
Sa ikatlong araw, June 12, ang Day of Formation kung saan sa alas otso ng umaga magkakaroon ng National Youth Coordinating Council Meeting habang ang mga delegado ay magkakaroon ng morning prayer at misa sa mga itinalagang formation site.
Susundan ito ng preliminaries, group growth session at plenary formation sa mga formation sites habang sa ala una ng hapon isasagawa ang workshops seminar ng delegasyon.
Sa June 13 na itinalagang Day of Pilgrimage, magkakaroon ng audience ang Youth Directors sa mga opisyal ng ECY sa Our Lady of Penafrancia Minor Basilica and National Shrine habang ang ibang delegadong kabataan ay makiisa sa banal na misa bago ang kanilang community exposure sa alas nuwebe ng umaga.
Sa alas siyete ng gabi ang sama-samang hapunan ng mga delegado sa paligid ng Our Lady of Penafrancia Minor Basilica and National Shrine habang sa alas otso ang paglalagom, cultural night at closing ceremonies ng NYD 2025.
Sa huling araw ng pagtitipon ang Day of Mission isasagawa ang closing mass at pagmamanto sa alas singko ng umaga bago umuwi ang mga delegadong kabataan sa kani-kanilang mga lugar.
Una nang humiling ng panalangin si Archbishop Alarcon para sa maayos, ligtas at matagumpay na NYD 2025 kung saan inaasahan ang mahigit sa 5, 000 delegado mula sa 87 mga arkidiyosesis, diyosesis, prelatura, at bikaryato sa bansa.




