2,110 total views
Naglabas na ng warrant of arrest ang Sandiganbayan laban kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co at 17 pang indibidwal na sangkot sa mga iregularidad sa ilang flood control projects ng pamahalaan.
Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ulat sa isang post sa social media.
Ayon sa Pangulo, ang mga inisyung warrant ay tumutukoy sa mga kasong may kaugnayan sa mga anomalya sa proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Sunwest Corporation.
“May warrant of arrest na laban kay Zaldy Co at 17 iba pa mula sa DPWH at Sunwest Corporation,” ayon kay Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng Pangulo, “Kaya’t sa ating law enforcement agencies, huwag na nating patagalin pa. Arestuhin na ninyo sila. Siguraduhin maisagawa ito nang mabilis at tama. Gumugulong na ang hustisya,” ayon kay Pangulong Marcos.
Inatasan din ng Pangulo ang mga law enforcement agencies na agad ipatupad ang pag-aresto.
Sinabi niya na hindi dapat patagalin at dapat tiyakin na maisasagawa ito nang mabilis, maayos, at naaayon sa batas.
Samantala, nanindigan naman si dating Speaker Martin Romualdez na handa siyang humarap sa mga imbestigasyon at malinis ang kaniyang konsensya matapos isumite ng DPWH at ng Independent Commission for Infrastructure ang kanilang joint referral report sa Office of the Ombudsman.
Giit ni Romualdez, walang anumang matibay na katunayan na nag-uugnay sa kanya sa kahit anong iregularidad, kabilang na ang kamakailang pahayag sa social media video post ni Co.
“I willingly submitted myself to the ICI’s fact-finding process, appeared voluntarily, and remained in the country. Throughout all these proceedings, no sworn or credible evidence has ever linked me to any irregularity, and again, my conscience remains clear,” ayon sa pahayag na binasa ni Atty. Ade Fajardo ang lawyer at spokesperson ni Romualdez.
Tiwala din si Romualdez, sa susunod na hakbang ng proseso.
Giit ng dating speaker nasa Ombudsman na ang usapin at naniniwala siyag magiging patas ang pagsusuri sa mga dokumento at rekord upang lumabas ang katotohanan.




