13,593 total views
Humiling ng panalangin si Archbishop Midyphil Billones sa pagsisimula ng kanyang gawaing pagpapastol sa mahigit tatlong milyong katoliko ng Archdiocese of Jaro.
Sinabi ng arsobispo na higit nitong ipinagkatiwala sa Panginoon ang kanyang tatahaking misyong makilakbay sa pamayanan na kanyang pinagsilbihan mula nang maordinang pari noong 1995 hanggang maitalagang katuwang na Obispo ng Archdiocese of Cebu noong July 2019.
Binigyang diin ni Archbishop Billones na sisikaping isabuhay sa kanyang pagpapastol ang diwa ng synodality upang pagbuklurin ang mananampalataya.
“I put my trust in the Lord, who called me to shepherd the Archdiocese of Jaro. Please pray for me as I gave my surrender,my obedience to the Holy Father and look forward to the journey of the people of God in the archdiocese in the spirit of synodality,” bahagi ng pahayag ni Bishop Billones sa Radio Veritas.
February 2 ng taong kasalukuyan kasabay ng pagdiriwang sa kapistahan ng Nuestra Señora de la Candelaria ang patron ng arkidiyosesis ay hinirang ni Pope Francis si Archbishop Billones bilang ika – 14 na pastol at ikapitong arsobispo ng Jaro kahalili kay
Archbishop Jose Romeo Lazo na nagpastol sa arkidiyosesis mula 2018.
Samantala bagamat retirado na bilang pastol si Archbishop Lazo ay tiniyak nito ang patuloy na pakikilakbay kay Archbishop Billones at ang pagbibigay ng suporta sa mga gawain lalo na sa paghuhubog ng espiritwal na buhay ng mamamayan.
“I will continue journeying with Archbishop Dodong [Billones] and being a companion to him as he goes through his shepherding the local church of Jaro,” ani Archbishop Lazo sa Radio Veritas.
Bilang pastol ng Jaro pangangalagaan nito ang mananampalataya sa lalawigan at lunsod ng Iloilo gayundin ang kristiyanong pamayanan ng Guimaras.
Pormal na nailuklok si Archbishop Billones sa cathedra ng National Shrine of Our Lady of Candles and Jaro Metropolitan Cathedral sa ritong pinangunahan ni Archbishop Lazo katuwang si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown.
Tangan ng arsobispo ang kanyang episcopal motto na ‘Domine, Tu Omnia Scis, Tu Cognoscis Quia Amo Te’ na hango sa ebanghelyo ni Juan 21:17 (“Lord, you know all things; you know that I love you!”) na pagpapahayag ng buong puso at katapatang pagtanggap sa misyong iniatang sa kanyang pangangalaga.
Si Archbishop Billones na tubong Panay Capiz ay nagtapos ng Philosophy sa St. Vincent Ferrer Seminary sa Iloilo City at Theology naman sa Loyola School of Theology habang ang Doctorate in Theology noong 2011 sa Pontifical Gregorian University sa Roma.