2,314 total reads
Inatasan ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mga parokya, paaralan at iba pang pasilidad ng Simbahan na magsagawa ng inspeksiyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pari, empleyado, estudyante at mga nagsisimba.
Sa kautusang nilagdaan ni Vicar General Monsignor Reginald Malicdem, partikular na ipinasisiyasat ang mga nakasabit at nakatayong imahen, krusipiho at rebulto upang matiyak na matibay ang pagkakakabit.
Kabilang din sa dapat suriin ang mga ilaw, chandelier, speaker, bentilador at iba pang kagamitang nakasabit, gayundin ang mga kisame, dingding at iba pang bahagi ng gusali na maaaring may bitak, kalawang o sira.
Inatasan din ang mga pasilidad na tiyaking maayos ang mga kable at koneksiyon ng kuryente, walang overloaded na saksakan at ligtas ang paggamit ng mga kandila at iba pang madaling magliyab na materyales.
Kung may makitang posibleng panganib, kailangang agad na isara o harangan ang apektadong lugar at ipasuri ito sa mga kuwalipikadong eksperto. Ipinagbabawal din ang sariling pagkukumpuni kung walang sapat na kaalaman at kagamitan.
“If any item or structure appears unsafe, immediately restrict access to the affected area an arrange for inspection and necessary repairs by qualified professionals. Do not attempt repairs without the proper expertise and safety equipment,” ayon pa sa circular.
Inatasan ang mga kinauukulan na idokumento ang resulta ng inspeksiyon at isumite ang ulat sa Engineering Department ng Arkidiyosesis para sa kaukulang pagsusuri at aksiyon.
Ayon sa kautusan, layunin nitong maiwasan ang aksidente at maprotektahan ang lahat ng gumagamit ng mga pasilidad ng Simbahan.
Matatandaan noong nakaraang buwan, napaulat na nasawi si Fr. Patricio Alfredo Sánchez Molinari ng Congregation of the Most Holy Redeemer (Redemptorists), makaraan mahulog ang malaking krus sa altar sa kanyang likuran habang nagmimisa sa Our Lady of Perpetual Help Church sa Guayaquil, Ecuador.




