1,604 total reads
Sinimulan na ng Truth Commission ang proseso ng paglalahad at pagdodokumento ng mga karanasan ng mga nakaligtas at pamilya ng mga nasawi sa kampanya kontra ilegal na droga, sa unang isinagawang truth-telling session sa Pope Pius XII Catholic Center sa Paco, Manila.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, convenor at adviser ng Truth Commission, pangunahing layunin ng komisyon ay ang paghahanap sa katotohanan at pagbibigay ng pagkakataon sa mga nakaranas ng trauma na maibahagi ang kanilang mga kuwento, at hindi ang pag-uusig sa mga sangkot.
Nilinaw ng Cardinal na walang kapangyarihan ang komisyon na mag-subpoena o magsagawa ng prosecution dahil nakatuon ito sa truth-telling at pakikinig sa mga pamilya.
“Ang Truth Commission ay hindi nagsisimula sa zero. Naririyan na ang mga kuwento mula sa iba’t ibang care provider organizations. Pagsasama-samahin na lang natin ang mga ito. Narito tayo upang makinig sa mga kapamilya at kaanak,” ayon sa pahayag ni Cardinal David.
Isa sa pinakamabigat na ibinahagi ni Cardinal David ang karanasan ng Diocese of Kalookan sa mga pamilyang nawalan ng kaanak sa kasagsagan ng kampanya kontra droga.
Ayon sa kardinal, mahigit sa kalahati ng mga pamilyang kanilang nakatagpo na namatayan ay walang kinalaman sa ilegal na droga, ngunit nadawit matapos mailagay ang pangalan ng kanilang mga kaanak sa mga drug watchlist.
“Mahigit kalahati ng mga pamilyang na-encounter naming namatayan ng kaanak ay walang kinalaman sa droga. Nalagay lang ang mga pangalan nila sa mga drug watchlists, at iyon ang simula ng violation of human rights,” giit ng kardinal.
Sinabi ni Cardinal David na sa sandaling mapasama ang isang pangalan sa drug watchlist, maaaring sundan ito ng pagbisita at tokhang, isang sitwasyong nagdulot ng lubhang takot sa maraming komunidad.
Binalikan ng kardinal ang kanyang panawagan noon sa pamahalaan na tugunan ang problema sa droga sa pamamagitan ng rehabilitasyon sa halip na pagkitil ng buhay.
“Please, I cannot rehabilitate dead people,” pakiusap noon ni Cardinal David sa pamahalaan.
Bilang tugon, nagpatupad ang diyosesis ng Kaagapam Ministry, isang community-based drug rehabilitation program, sa pakikipagtulungan ng Ateneo de Manila University at De La Salle University.
Sa pagbabahagi pa ng kardinal tungkol sa proseso ng rehabilitasyon, natuklasan ng diyosesis na marami sa mga taong idineklarang drug users ay hindi naman aktuwal na gumagamit ng ilegal na droga kundi napilitang umamin bilang drug users dahil napabilang sa watchlist at nakipag-plea bargain sa korte dahil sa takot na mapabilang sa mga maaaring patayin.
Dahil dito, tinawag din ni Cardinal David ang programang “Schindler’s List” bilang isang paraan upang mailigtas ang buhay ng mga taong nanganganib, kahit na ang ilan ay hindi naman nangangailangan ng drug rehabilitation.
Inilahad din ni Cardinal David na ang kaniyang pakikibahagi sa usapin ay hindi lamang dahil siya ang convenor at adviser ng Truth Commission, kundi dahil sa kaniyang tungkulin bilang pastol ng mga komunidad na direktang naapektuhan ng karahasan.
Iginiit ng pastol na hindi nito kayang manahimik habang araw-araw ay may mga bangkay na napupulot sa mga kalsada ng Kalookan, Malabon at Navotas.
Ibinahagi rin ng kardinal na nakatanggap ito ng death threats at naharap sa limang criminal charges dahil sa kaniyang paninindigan laban sa mga pagpaslang.
Binigyang-diin niyang ang mga naging huwaran niya sa pagkapari ay sina St. Oscar Romero at St. Maximilian Kolbe, mga taong nagpakita ng tapang sa harap ng panganib upang ipagtanggol ang buhay at dignidad ng iba.
Mahalaga rin para kay Cardinal David na ang mga naiwan ng mga nasawi ay hindi lamang kilalanin bilang “victims,” kundi bilang “survivors.”
Aniya, maaaring pinaslang ang kanilang mga mahal sa buhay, ngunit hindi natuldukan ang kanilang sariling buhay, kaya mahalaga ang patuloy na pagbibigay ng counseling, kabuhayan, scholarship at iba pang suporta sa mga pamilyang naiwan.
Sa unang truth-telling session, nagbahagi ng karanasan si Luzviminda Siapo, ang ina ng drug war victim na si Raymart Siapo, na isang 19-taong-gulang na residente ng Navotas City na may congenital foot condition (clubfoot) na dinukot ng armadong kalalakihan.
Sa salaysay ng mga nakakita sa insidente, pinatakbo si Raymart ng mga dumukot, subalit dahil sa kanyang kondisyon na clubfoot ay hindi ito nakatakbo at siya’y pinaupo at malapitang binaril sa ulo nang dalawang beses.
Dahil dito, hinikayat ni Cardinal David ang iba pang nakaligtas at mga pamilya ng mga nasawi na magkaroon ng lakas ng loob na magsalita at ibahagi ang kanilang mga karanasan.
Para sa kardinal, ang proseso ng paghahanap ng katotohanan ay mahalagang hakbang tungo sa pagkilala sa sinapit ng mga pamilya, pagprotekta sa dignidad ng mga survivor at paghilom ng mga sugat dulot ng karahasan.
Sa halip na manatiling tahimik ang mga kuwento ng mga pamilyang naapektuhan, layunin ng Truth Commission na tipunin ang mga salaysay mula sa iba’t ibang organisasyon at care providers upang magkaroon ng mas malawak at mas dokumentadong larawan ng mga pangyayaring naganap sa marahas na programa sa pagsugpo sa ilegal na droga.




