9,238 total views
Lumagda ng kasunduan ang Caritas Philippines, ang humanitarian at development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP, kasama ang Department of Public Works and Highways at ang Mayors for Good Governance upang palakasin ang transparency, accountability, at tapat na pamamahala sa mga proyektong pang-imprastraktura sa buong bansa.
Sa ilalim ng Memorandum of Cooperation, layunin ng kasunduan na magkaroon ng mas matibay na pagtutulungan at palitan ng impormasyon sa pagitan ng DPWH, Caritas Philippines, mga lokal na pinuno, at mga civil society organizations.
Kasama sa mga napagkasunduan ang pagtatatag ng mekanismo para sa pag-uulat at beripikasyon ng mga iregular o ghost projects, pagbibigay ng bukas na access sa impormasyon hinggil sa pondo, kontratista, at estado ng proyekto, at paghikayat sa mamamayan na makibahagi sa pagsubaybay ng mga programa ng pamahalaan.
Ipinahayag naman Bishop Jose Colin Bagaforo, pangulo ng Caritas Philippines, na sa tulong ng Social Action Ministry sa iba’t ibang diyosesis, makikilahok ang simbahan sa pagbabantay sa mga proyekto ng gobyerno upang matiyak ang maayos at tapat na paggamit ng pondo ng bayan.
“We will help monitor government projects—especially those that may be identified as ghost or substandard projects,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Sa pamamagitan ng kasunduang ito, pinagtitibay ng Caritas Philippines ang kanilang misyon na isulong ang integridad, pananagutan, at mabuting pamamahala upang matiyak na ang mga proyekto ng pamahalaan ay tunay na nagsisilbi sa kapakanan ng mga Pilipino, lalo na sa mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan.
“Through this collaboration, Caritas Philippines reaffirms its mission to uphold integrity and social accountability in development work—ensuring that public resources genuinely serve the Filipino people, especially the poor and marginalized,” ayon pa sa pahayag ng Caritas Philippines.




