204 total views
Nanawagan ang Diocese of Laoag ng masusing pagsusuri at malawakang konsultasyon kaugnay ng planong offshore wind projects sa Ilocos Norte dahil sa posibleng epekto nito sa kabuhayan ng libu-libong pamilya ng mga mangingisda at sa kalikasan ng lalawigan.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni Rev. Fr. Tito Bonoan, miyembro ng Diocesan Monitoring Team ng Buhawind Project, na tinatayang 6,500 pamilya ng mga mangingisda mula sa mga bayan ng Bangui, Burgos, at Pagudpud ang maaaring maapektuhan kapag nagsimula ang konstruksyon ng proyekto.
“Marami po kasing maaapektuhan yan kasi kapag magsimula itong construction there are 6,500 families fisherfolks who will be displace and in the next three years po hindi sila makakapunta sa dagat kasi offshore po ito, lumulutang ang mga ito, hindi po siya sa bundok kundi sa mismong dagat at magdi-drill po sila sa dagat, so malakas po ang impact nito sa kabuhayan ng mga fisherman sa three towns Bangui, Burgos, and Pagudpud.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Bonoan sa Radyo Veritas.
Nilinaw naman ng pari na hindi tutol ang Simbahan sa paggamit ng renewable energy at sa pagsusulong ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya upang mabawasan ang pagdepende sa fossil fuels, subalit iginiit nitong dapat tiyakin na hindi maisasakripisyo ang kapakanan ng mga komunidad at ng kalikasan.
Ayon kay Fr. Bonoan, batay sa mga pampublikong dokumentong kanilang sinuri, nakatakdang magsimula ang konstruksyon ng proyekto sa susunod na taon, magkakaroon ng unang operasyon sa pagsapit ng 2028, at target na maging ganap ang operasyon nito sa 2030.
Gayunpaman, inihayag ng Pari ang pagkadismaya ng Simbahan at ng komunidad sapagkat wala pa ring malinaw na plano para sa kahihinatnan ng mga pamilyang maaapektuhan ng tatlong taong konstruksyon sa proyekto.
“We are not against promoting alternative ways and lowering the emission of fossil fuels mga ganyan, but ang pinagtataka namin ito po ay public documents kasi nagresearch po kami, ang timeline po nito is next year magsisimula na ng construction, 2028 meron ng nagawa, at 2030 naka-full operation na po. Pero hindi pa po namin alam kung they have undergone the process of the assessment which is the mechanism of the government itself na tiyakin na lahat po ng mga questions po na ito, questions sa atin where will they get their living for the next three years when they are not allowed [to go fishing and live there] so we just have to know.” Dagdag pa ni Fr. Bonoan.
Ibinahagi naman ni Fr. Bonoan ang kanilang naging pakikipagpulong kamakailan kay Ilocos Norte Governor Cecilia Araneta-Marcos sa pangunguna ni Laoag Bishop Renato Mayugba, kasama ang tatlong bumubuo sa monitoring team ng diyosesis na kinabibilangan niya, Vicar General ng diyosesis, at ang Diocesan Oeconomus upang talakayin ang mga pangamba kaugnay ng proyekto.
Ayon sa Pari, iisa ang paninindigan ng obispo at ng gobernador sa pangangalaga sa kalikasan, sa coral reefs, at sa kapakanan ng mga pamilyang maaapektuhan ng proyekto.
Pagbabahagi ni Fr. Bonoan, kapwa nagpahayag ng pangamba at pagmamalasakit ang gobernador at ang Obispo sa posibleng maging epekto ng proyekto sa kapakanan ng mga residente at ng kalikasan, kung saan naniniwala rin umano ang opisyal na dapat ding pag-aralang mabuti kung ang teknolohiyang ito ay angkop sa kondisyon ng hangin sa Pilipinas.
“We were very happy that our own governor herself nagtataka itong nangyayari and she also expressed her concern, sinabi pa nga niya na ‘this is about the wind, baka hindi alam nitong mga foreigners taga-Denmark na iba ang hangin dito sa Pilipinas at mabagsik, at baka hindi umubra itong mga plano nilang gagawin.’ In other words po the governor of the province and the bishop of the diocese are one in expressing their concerns and to protect the environment, and the coral reefs. They are one sa pagmamalasakit nila sa mga families na affected by these.” Ayon pa kay Fr. Bonoan.
Umaasa ang Diocese of Laoag na mabibigyan ng sapat na pagkakataon ang mga apektadong komunidad na maipahayag ang kanilang saloobin at matiyak na ang anumang proyektong pangkaunlaran ay isasagawa nang may pananagutan, paggalang sa kalikasan, at pagsasaalang-alang sa kabuhayan ng mga mamamayan.




