171 total views
Patuloy na nangangailangan ng tulong ang Diocese ng Tagum para sa mga nasasakupan nilang apektado ng baha sa Davao del Norte at sa Compostela Valley.
Ayon kay Rev. Fr. Emerson Luego, social action center director ng diocese, nasa mga parokya at gymnasium ang mga evacuees dahil lubog pa rin sa baha ang kanilang mga bahay bunsod ng patuloy na pag-ulan doon simula pa noong Sabado.
Pahayag ng pari, namahagi na ng tulong ang pamahalaang lokal ng dalawang lalawigan maging ang Simbahang Katolika sa mga nabaha gaya ng pagkain.
“Kung meron kayong tulong na ipaaabot sa mga taga Davao, kailangan namin ang pagkain, ito ang pinakabasic na kailangan, kung may tulong pwedeng ibigay sa Veritas at Caritas Manila. Sa ngayon bigas at canned goods, ready to eat na pagkain ang kailangan ng mga apektadng kababayan.” ayon kay Fr. Luego sa panayam ng Radio Veritas.
Apat na parokya naman ng diocese ang pinakaapektado ng baha, kabilang dito ang San Isidro Labrador Parish ng Kapalong Davao del Norte, Our Lady of Assumption at San Miguel Parish ng Sto. Tomas sa Tagum.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Center ang forced evacuation sa mga residenteng malapit sa mga ilog at mabababang lugar.
“Nasa danger level na ang mga ilog dito. Nag abiso na ang PDRRMC na ilikas na ang mga residente sa mga vulnerable areas. Mula Sabado umuulan na lalo na sa hapon kaya patuloy ang baha, yung nangyari sa Cagayan de Oro ang tubig galing sa Bukindon. Isa sa mga reason bakit may mga ulan biglang bumabaha, kasi kalbo na ang kabundukan lalo na ang bundok ng Bukidnon at Davao del Norte, kaya biglang lumalaki ang tubig.” ayon pa sa pari.