580 total views
Itinalaga ni Pope Leo XIV si Fr. Dave Dean Capucao bilang kahaliling pastol ni Bishop Bernardino Cortez sa Prelatura ng Infanta sa Quezon.
Ito ang kauna-unahang Filipino bishop appointment ng santo papa mula nang maihalal sa conclave noong May 8.
Tinanggap ng santo papa ang pagretiro ni Bishop Cortez makaraang maabot ang mandatory retirement age na 75 taong gulang noong July 2024.
October 3, 1994 nang maordinahang pari ng Infanta si Bishop-elect Capucao at naging punong pastol sa isang mission area ng prelatura sa lalawigan ng Aurora.
Taong 2000 nang mag-aral ito sa Catholic University of Nijmegen o Radboud University sa The Netherlands kung saan tinapos ang master’s degree ng intercultural and interreligious theology.
Mula 2002 hanggang 2006 naging junior researcher sa theology department ng unibersidad ang bishop-elect habang tinatapos ang dissertation on religion and ethnocentrism.
Naglingkod din si Bishop-elect Capucao sa Netherlands partikular sa Saint Ludger Parish sa Lichtenvoorde and Winterswijk.
Nagtapos din ang pari ng doctorate in sacred theology sa Catholic University of Louvain sa Belgium at naging formator ng St. Joseph Formation House ng prelatura sa Quezon City nang magbalik Pilipinas noong 2011.
Ilan sa mga ginampanan ni Bishop-elect Capucao ang pagiging superintendent of the Catholic Association of Schools in the Prelature of Infanta (CASPI), pangulo ng Center for Empirical Studies on Spirituality, Theology and Religion–Asia (CESSTREL-ASIA), kasapi rin ng Presbyteral Council ng prelatura at iba pang international organizations kabilang na ang The Netherlands School for Advanced Studies in Theology and Religion (NOSTER), at International Society of Empirical Research in Theology (ISERT).
Si Bishop-elect Capucao ang ikaapat na obispo ng prelatura na may humigit kumulang 400, 000 katoliko sa Northern part ng Quezon at makatuwang sa pagpapastol sa 19 na parokya ang mahigit 60 mga pari.