1,906 total views
Binigyang-diin ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang kahalagahan ng tulong ng mga layko para sa pagsusulong ng misyon ng Simbahang Katolika.
Ayon kay Dipolog Bishop Severo Caermare – chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity at Sangguniang Laiko ng Pilipinas (SLP), na ang tunay na paglilingkod ng mga layko ay dapat nakaugat sa panalangin, kababaang-loob, at tamang pagkilala sa tungkulin bilang mga anak ng Diyos.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Obispo sa kanyang homiliya na may titulong “Prayer, Humility, and True Identity,” para sa banal na misa sa 2026 Strategic Planning ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na implementing arm ng kumisyon noong Enero 10, 2026.
Paliwanag ni Bishop Caermare, malinaw ang misyon ng bawat lingkod ng Simbahan na hindi ang itaas ang sarili, kundi ang gabayan ang lahat patungo kay Kristo.
“Together with our readings, invites us to reflect deeply on identity, prayer, and humility. It reminds us that our true identity before God does not come from entitlement, position, or achievement, but from relationship. We are who we are because of our relationship with God.” Bahagi ng pagninilay ni Bishop Caermare.
Ipinaalala din ng Obispo na ang pananalangin ay hindi paraan upang ipilit sa Diyos ang sariling kagustuhan, kundi isang proseso ng paghuhubog ng kalooban ng tao ayon sa kalooban ng Diyos.
Bilang hamon sa mga opisyal ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, hinikayat ni Bishop Caermare ang masusing pagsusuri sa nilalaman ng kanilang mga panalangin at hangarin sa paglilingkod.
“Scripture tells us that we may ask God with confidence—but always according to His will, not our own. Prayer, therefore, is not about bending God to our desires. Rather, it is about allowing God to bend our desires to His will. This is why the Lord taught us to pray, “Thy will be done.” True prayer forms humility within us.” Dagdag pa ni Bishop Caermare.
Nagbabala rin si Bishop Caermare laban sa entitlement sa loob ng paglilingkod, lalo na sa mga tungkulin at gawain na hindi umaayon sa personal na pagnanais o ambisyon ng isang indibidwal.
Nag-alay naman ng pasasalamat ang mga opisyal ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas (SLP) para sa paggabay ng Panginoon sa kanilang misyon kasabay ng pasasalamat sa panibagong sigla at lakas ng loob na ibinibigay ng Panginoon upang yakapin ang misyong ipinagkatiwala sa kanila; upang palakasin at bigyang-kapangyarihan ang mga Pilipinong layko na ipamuhay ang pananampalataya nang may tapang, galak, at pananagutan sa gitna ng mundo.
Panalangin din ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na patuloy na manguna ang Espiritu Santo upang magkaisa ang kanilang mga puso at mag-alab ang kanilang mga plano sa pagmamahal sa Simbahan at sa sambayanang Pilipino.
Ang 2026 Strategic Planning ng SLP ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng Simbahan na paigtingin ang papel ng mga layko bilang katuwang ng mga pastol sa misyon ng ebanghelisasyon, pagbabagong panlipunan, at pagtataguyod ng kabutihang panlahat.




