1,198 total views
Hinimok ni Pope Leo XIV ang kabataan na gamitin ang teknolohiya upang palalimin ang kanilang pananampalataya at mapalapit kay Hesus, habang patuloy ding pinananatili ang ugnayan sa kapwa at masigasig na pakikibahagi sa Misa.
Ito ang mensahe ng Santo Papa sa mahigit 15,000 kabataan mula sa buong Estados Unidos na nakipagtagpo sa kanya sa pamamagitan ng video link sa National Catholic Youth Conference sa Indianapolis, Indiana.
Hinikayat ng Santo Papa ang kabataan na palakasin ang kanilang pagkakaibigan kay Kristo, maging mas masigasig sa panalangin, at lumahok sa mga gawaing pang-parokya upang lalo pang lumago ang kanilang pananampalataya.
Tinalakay rin ang mental health at depresyon, at pinayuhan ang kabataan na humingi ng gabay sa Diyos at sa mga pinagkakatiwalaang nakatatanda, at manalangin para sa mga tunay na kaibigan na magiging katuwang na hanapin si Hesus sa gitna ng hamon ng buhay.
Binanggit din ni Pope Leo na ang teknolohiya ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa panalangin, pagbabasa ng Bibliya, at pag-aaral ng pananampalataya, subalit hindi nito mapapalitan ang personal na ugnayan sa Diyos at sa kapwa.
“Be careful that your use of AI does not limit your true human growth.” Use it in such a way that, if it disappeared tomorrow, you would still know how to think, create, and act on your own. Remember: AI can never replace the unique gift that you are to the world,” ayon pa sa mensahe ng Santo Papa.
Ayon pa kay Pope Leo XIV, “Technology can help us do many things and even really help us live our Christian faith. “It also gives us amazing tools for prayer, reading the Bible, and learning more about what we believe.”
Hinikayat rin ng pinunong pastol ang kabataan na tuklasin ang kanilang bokasyon, maging sa pag-aasawa, pagka-pari, o relihiyosong buhay.
Paalala pa ng Santo Papa, ang kabataan ay dapat maging kaibigan ni Kristo at tagapamagitan ng kapayapaan, at iwasan ang paggamit ng pulitikal na pananaw sa usapin ng pananampalataya.




