34,095 total reads
Nagkaloob ang GT Foundation, Inc. ng ₱2-milyong grant sa Aid to the Church in Need (ACN) Philippines para sa pagpipintura at pagpapahusay ng Sto. Tomas de Villanueva Parish Church sa Lanao del Norte, na nagsisilbing Pro-Cathedral at magsisilbing luklukan ng Prelatura ng Marawi.
Pormal na isinagawa ang turnover ng grant sa 2026 George S.K. Ty Grants Turnover Ceremony na ginanap sa Grand Hyatt Manila sa Bonifacio Global City noong September 4, 2026.
Inaasahang makatutulong ang pondo sa pagpapaayos ng Simbahan na nagsisilbing mahalagang lugar ng pananalangin, pagsamba at pagtitipon ng mga mananampalataya ng Prelatura ng Marawi.
“The GT Foundation, Inc. awarded a ₱2-million grant to Aid to the Church in Need (ACN) to support the painting works of the Sto. Tomas de Villanueva Parish Church in Lanao del Norte, which currently serves as the Pro-Cathedral and seat of the Prelature of St. Mary in Marawi.” Bahagi ng pahayag ng ACN-Philippines.
Mahalaga rin ang proyekto sa patuloy na presensya at misyon ng Simbahan sa isang komunidad na naapektuhan ng kaguluhan at karahasan.
Sa pamamagitan ng suporta sa mga lugar sambahan, nabibigyan ang mga komunidad ng pagkakataon para sa pananampalataya, pagkakaisa at muling pagbangon.
“The assistance will contribute to the improvement of the church, an important place of worship and gathering for the faithful of the Prelature of Marawi. It reflects a shared commitment to supporting communities and strengthening the presence of the Church in areas affected by conflict. The grant turnover brought together leaders of GT Foundation, Metrobank Foundation, and Aid to the Church in Need.” Dagdag pa ng ACN-Philippines.
Ayon sa GT Foundation at ACN Philippines, ang grant ay bahagi ng kanilang pagkakaisa sa pagtulong sa Simbahan sa Marawi na ipagpatuloy ang misyon ng pananampalataya, paglilingkod at pakikipagkapwa.
Layunin din nitong mapanatili ang mga lugar sambahan bilang mga espasyong maaaring pagtipunan ng komunidad, maghilom mula sa mga sugat ng nakaraan, at makatagpo ng pag-asa sa kabila ng mga naganap sa lugar.
“The grant represents a shared commitment to helping the Church in Marawi continue its mission of faith, service, and solidarity, and to ensuring that places of worship remain spaces where communities can gather, heal, and find hope.” Ayon pa sa ACN-Philippines.
Dinaluhan ng mga kinatawan ng GT Foundation, Metrobank Foundation at ACN Philippines ang turnover ceremony.
Kabilang dito sina GT Foundation President Alfred V. Ty; GT Foundation and Metrobank Foundation Senior Vice President Anjanette T. Dy Buncio; Metrobank at Metrobank Foundation Chairman Arthur V. Ty; Metrobank Foundation President at GT Foundation Executive Director Philip Francisco U. Dy; at ACN Philippines President Don Timothy Buhain at Treasurer Corazon Nepomuceno.
Sa kasalukuyan patuloy rin ang isinasagawang “Caravan for Peace and Solidarity: Padayon Prelatura sa Marawi” ng Aid to the Church in Need – Philippines upang makalikom ng pondo para sa pagtatayo ng Pro-cathedral ng Prelatura ng Marawi kasabay ng pagpapalakas sa diwa ng kapayapaan at pakikiisa para sa mga komunidad sa Marawi, sa pamamagitan ng konkretong suporta sa Prelatura ng Marawi na nakatakdang magdiwang ng ika-50 anibersaryo sa darating na Nobyembre, 2026.
Sa bahagi ng Simbahan, ang pagpapanatili at pagpapaunlad ng mga lugar sambahan ay hindi lamang usapin ng pisikal na imprastraktura, sa halip ay isang sama-samang pagsasabuhay ng mga mananampalataya ang pananampalataya ng pakikiisa ng Simbahan sa mga komunidad na patuloy na bumabangon at naghahanap ng kapayapaan at pag-asa.




