342,394 total views
Mga Kapanalig, bago mag-Pasko, pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Regional Trial Court at Court of Appeals na hatulang guilty ang tatlong pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian delos Santos.
Kung inyong matatandaan, si Kian ay ang 17-anyos na binatang pinatay ng mga pulis na nagsasagawa ng anti-drug operation sa Caloocan noong Agosto 2017. Kasagsagan iyon ng pagpapatupad ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Paliwanag ng Korte Suprema, malinaw na kaso ng murder ang ginawa ng mga pulis.
Hindi lumusot ang depensa ng mga nasasakdal na self-defense ang kanilang ginawa, na armado raw si Kian. Paano naman mangyayari iyon? Natagpuan ang bangkay ni Kian na nakapamaluktot sa isang madilim na sulok sa kanilang lugar. Dalawang beses siyang binaril sa ulo malapit sa tainga—patunay na itinutok sa binata ang baril. Binaril pa siya sa tagiliran. Hindi iyon self-defense.
Sinentensyahan ang tatlong pulis ng reclusion perpetua o hanggang 40 taóng pagkakakulong. Pinagbabayad din sila ng halos tatlong daanlibong piso na danyos sa pamilya ni Kian. Ito ang katarungang matagal nang inaasam ng pamilya ni Kian at iba pang naulilang biktima ng kampanyang isinantabi ang dignidad at buhay ng tao sa ngalan ng huwad na kapayapaan. Ito ang pagpapanagot na idinaan sa tamang proseso ng batas, sa tinatawag na due process. Maraming taon man ang inabot, nanaig pa rin ang katotohanang may mga inosenteng buhay na isinakripisyo ang war on drugs, at takot—hindi kapanatagan—ang bumalot sa ating bayan.
Sa katesismo at panlipunang turo ng ating Simbahan, ang pagpapanagot sa mga nagkasala sa batas ay may tatlong layunin. Una ay ang pagpapanatili at pagprotekta sa kabutihang panlahat o common good. Pangalawa ay ang pagpapanumbalik sa kaayusan sa lipunan o public order. Pangatlo ay ang pagbabalik-loob at pagbabago ng nagkasala; naniniwala tayong hindi sila dapat talikuran.
Sa kaso ng mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Kian, ang ibinabang hatol sa kanila ay dapat tingnan batay sa mga layuning ito. Hindi poot ng paghihiganti ang dapat umiral, kundi pag-asa na mapagsisihan nila ang kanilang pagkakamali habang ipinagkakait sa kanila ang kanilang kalayaan. Samantala, marami pang alagad ng batas—at ang mga sinunod nila sa itaas—ang dapat papanagutin.
Ngunit ang mas magandang makita ay ang pagbabago sa paraan ng pagpapatupad ng batas laban sa ipinagbabawal na gamot. Sa kinahinatnan ng war on drugs ng nakaraang administrasyon, kitang-kita natin ang kawalan ng malasakit sa mga kapatid nating gumagamit ng droga. Hindi sa kinukunsinti natin sila, pero lubhang delikado ang agad na pagturing sa kanila bilang mga kriminal at ang paggamit ng karahasan. Buhay ang nakataya—kahit ang mga inosente, gaya ni Kian, ay nadamay.
Panahon na para tingan ang isyu ng droga bilang isang problemang pangkalusugan. Mas makataong pamamaraan ang kailangan natin para maiiwas ang ating mga kapamilya sa bisyong ito. Rehabilitasyon ang akmang tulong na kailangan ng mga lulong sa droga, habang tiyak na pagpaparusa ang dapat kaharapin ng mga kumikita sa paggawa at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Tayo naman sa Simbahan ay inaanyayahang abutin ang mga pamilyang humaharap sa ganitong pagsubok.
Mga Kapanalig, nangangailangan ng habag ng Panginoon ang mga biktima ng extrajudicial killings, ang mga kapatid nating ginawa nang bahagi ng kanilang buhay ang droga, at maging ang mga nasa likod ng madugong giyera kontra droga. Sabi nga sa Hebreo 4:15-16, nauunawaan ng Diyos ang ating mga kahinaan at iginagawad niya sa atin ang Kanyang awa. Sa darating na taon, dasal nating mas marami pang biktima ang magawaran ng katarungan at mga nagkasalang mabigyan ng pagkakataong magsisi at magbago.
Sumainyo ang katotohanan.




