904 total views
Mga Kapanalig, kasama nating tumawid sa 2026 ang isyu ng korapsyon. Wala pa ring napananagot na malalaking isda, ‘ika nga, sa mga sangkot sa mga kontrobersyal na flood control projects ng DPWH at mga kasabwat na contractors at pulitiko.
Ganoon na nga siguro kalalim at kalaganap ang korapsyon sa pamahalaan na hindi talaga masisibat ang mga tiwali. Patuloy pa nga sila sa kanilang pagnanakaw. Hindi sila tinatablan ng hiya at patuloy na kumakapit sa kanilang puwesto. Tuloy ang kanilang ligaya.
Kaya hindi natin masisisi ang marami sa atin kung naniniwala silang talamak ang korapsyon sa gobyerno.
Sa survey na ginawa ng Pulse Asia noong Disyembre, lumabas na 94% ng mga kalahok ang nagsabing “widespread” o laganap ang katiwalian. Nasa pito sa sampung respondents—o 74%—ang naniniwalang tumindi pa ang korapsyon sa nakalipas na taon. Sa kabila nito, 43% ang hindi sang-ayon sa pananaw na normal na bahagi ng pulitika ang katiwalian, pero hindi naman nalalayo ang mga may kabaligtarang paniniwala—41% ang sumang-ayon na normal na ang korapsyon sa ating pulitika.
Anu-ano naman ang itinuturing ng mga respondents na porma ng korapsyon?
Nangunguna sa listahan ang pagtanggap o pagbibigay ng suhol; 74% ang nagsabi nito. Sumunod ang maling paggamit ng pera ng bayan (para sa mga nasa gobyerno) o ng pera ng kompanya (para naman sa mga nasa pribadong sektor); 66% ang nagbanggit nito. Itinuturing ding porma ng katiwalian ang pagbibigay o pagtanggap ng kickback; tinukoy ito ng 64% ng respondents.
Pero hindi ganoon karami ang nagsabing itinuturing nilang uri ng katiwalian ang nepotismo o favoritism sa pag-eempleyo o promosyon at ang kabiguang ibunyag ang tinatawag na conflict of interest. Wala pang 40% ang nagbanggit na maituturing na korapsyon ang favoritism na ibinibigay sa mga kamag-anak o mga kaibigan, na hindi tinitingnan o sinusukat ang kanilang pagiging karapat-dapat. Nasa 21% lamang ang nagsabing katiwalian ang hayaang gamitin ng mga tao ang kanilang kapangyarihan o posisyon para isulong ang iba pa nilang interes. Halimbawa ng conflict of interest ang paggamit ng mga pulitiko sa kanilang posisyon para makakuha ng malalaking kontrata ang kompanyang pagmamay-ari ng kanilang pamilya.
Kung malinaw sa atin ang kahulugan ng korapsyon, kamumuhian natin ang lahat ng porma nito. Ang nepotismo at conflict of interest ay mga ugat ng katiwalian, pero sa lumabas sa survey ng Pulse Asia, mukhang tanggap ng marami sa atin ang korapsyon, lalo na kung magbubunga ito ng trabaho o iba pang kapakinabangan. Hindi kaya guilty rin tayo sa korapsyon kaya hindi natin mapanindigan ang paglaban dito?
Kasama natin ang Simbahan sa paglaban sa korapsyon. Hindi natin sinasabing malaya ang Simbahan sa katiwalian, pero malinaw ang mga turo nito laban sa gawaing pinagnanakawan ang mahihirap, pinalalawak ang kawalang-katarungan, at naglalantad sa marami sa buhay na labag sa kanilang dignidad. Sa paniniwalang ito nakaugat ang tungkulin ng Simbahang isulong ang malinis na pamamahala.
Pero mahalagang bantayan din natin ang ating mga sarili. Nakapaloob ang korapsyon maging sa mga karaniwang ginagawa natin, at hahanap ito ng paraan para manuot sa mga buhay ng ating lipunan. Kung hindi natin nakikitang problema ang paggamit ng ating mga koneksyon para magkatrabaho o ang paggamit ng posisyon natin para makinabang ang ating pamilya, pinalalakas natin ang korapsyon. Mawawalan tayo ng kredibilidad na labanan ang katiwalian.
Kaya mga Kapanalig, ang paglaban sa korapsyon ay nagsisimula sa pagtutol na gawing normal ito. Ang paglaban sa korapsyon ay nagsisimula sa ating sarili—sa pagtanggi sa suhol, sa pagiging tapat sa trabaho, at pag-uulat ng nakikitang katiwalian. Wika nga sa Efeso 5:11, “Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti.”
Sumainyo ang katotohanan.




