4,899 total views
Hinihikayat ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. ang bawat Katoliko na magkaisa sa pananalangin para sa mga cardinal electors sa pagsisimula ng Conclave ngayong May 7, 2025.
Ayon sa Obispo, mahalagang ipagdasal ang paggabay ng Espiritu Santo sa pagpili gamit ang budhi ng mga cardinal electors sa bagong punong pastol na tunay na makapaglilingkod sa Simbahang Katolika.
Paliwanag ni Bishop Bacani, nawa sa tulong ng Diyos ay mapili at maihalal ng mga cardinal electors ang Santo Papa na naaangkop para sa kalagayan ng Simbahan at ng buong daigdig sa kasalukuyang panahon.
“Mga minamahal na kapatid, mga Katoliko, hinihiling ko po sa inyo na ipagdasal ninyong mabuti sa Espiritu Santo na talagang tulungang mabuti ang mga cardinal [electors] na makapamili ayon sa kanilang sariling budhi ng tunay na makapaglilingkod sa buong Santa Iglesia Katolika, at ang piliin nila ay yung talagang nararapat na maging [Santo] Papa natin, sa awa ng Diyos nung mga nakaraang maraming taon po ay palagi nalang napaka-gagaling ng ating mga Santo Papang lumipas harinawa po ganyan din ang mangyari sa conclave na ito, ipagdasal po nating mabuti.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Kasalukuyang sede vacante ang Vatican City kung saan naninirahan ang Santo Papa -ang obispo ng Diocese of Rome kasunod ng pagpanaw ni Pope Francis dahil sa karamdaman noong April 21, 2025.
Sa kasalukuyan, 133 sa 252 mga kardinal sa buong mundo ang kumpirmadong makakalahok sa pagpili ng ika-267 Santo Papa na magpapastol sa mahigit 1.4 na bilyong Katoliko.
Kabilang sa cardinal-electors mula sa Pilipinas sina Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, Vatican Dicastery for Evangelization former Pro-Prefect, Luis Antonio Cardinal Tagle, at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.




