10,247 total views
Mga Kapanalig, “exceptional product of human genius” ang tawag ni Pope Leo XIV sa artificial intelligence (o AI). Mula sa healthcare hanggang sa mga siyentipikong pagtuklas, magagamit natin ang AI para sa kabutihan at kaunlaran.
Pero ang papuring ito ng ating Santo Papa ay sinamahan niya ng babala. Lagi kasing nariyan ang panganib na gamitin ang AI sa laban sa katotohanan. Posible rin daw nitong maapektuhan ang kakayahan nating unawain at kilatisin ang realidad.
Ito nga ang lumabas sa isang pag-aaral na ginawa ng mga researchers sa Massachusetts Institute of Technology (o MIT) sa Amerika. Pinagsulat nila ng essay ang mga kalahok sa pag-aaral. Tatlong grupo ang gumamit ng teknolohiya na tinatawag na large language models, at isa rito ang ChatGPT, isang generative AI chatbot. (Kapag sinabing generative AI, sasabihin lang sa computer program kung ano ang gusto mong ipagawa o ipasulat, may malilikha ito sa loob lang ng ilang segundo.) Ang isang grupo naman sa pag-aaral ng MIT ay hindi pinagamit ng AI. Kinabitan ang mga research participants ng EEG para i-monitor ang kanilang brain activity habang nagsusulat ng essay.
Tumagal nang ilang buwan ang pag-aaral, at lumabas na ang mga gumamit ng ChatGPT ang may “lowest brain engagement,” kumbaga, parang hindi na pinagagana ang utak. Biruin ninyo, sasabihin lang nila sa computer ang gusto nilang isulat na essay, wala silang gagawin kundi maghintay lang sa AI! Kaya hindi katakatakang mas naging tamad magsulat ng iba pang essay ang mga gumamit ng AI. Copy-and-paste na lang ang ginagawa nila; kung ano ang isinulat ng AI, iyon ang kanilang ipapasang essay. Nang suriin ng mga English teachers ang mga essays na ipinasa sa kanila, kapansin-pansing halos magkakapareho daw ang mga ideya at tono ng mga gumamit ng ChatGPT. “Soulless” daw o parang walang buhay ang mga binasa nila.
Bagamat nagiging madali ang pagsusulat sa tulong ng AI, sinabi ng mga mananaliksik sa MIT na mapanganib ito, lalo na para sa mga batang nagsisimula pa lamang na matuto. “Developing brains are at the highest risk,” pangamba ng mga taga-MIT. Ito rin ang pinangangambahan ni Pope Leo XIV at dapat pangambahan natin bilang mga Katoliko. Kung mamamayani ang negatibong epekto ng AI sa pagkatuto ng mga bata—at aabot sa puntong hindi na nila kayang mag-isip at maging kritikal—unti-unting nawawala ang kanilang dignidad bilang mga tao. Kasabay ng pagkabura ng dignidad na ito, mahirap asahan ang ating kabataan na lumaking may kaisipan (o mature) at totoong responsable.
Kailangang lapatan ng regulasyon ang AI bago pa nito nakawin ang angking kakayahan at katalinuhan ng mga tao, lalo na ng mga bata. Nakalulungkot na hindi tayo handa dito sa Pilipinas. Mga opisyal pa nga ng gobyerno ang unang napapaniwala ng mga AI-generated content gaya ng mga larawan at video. Para nga itong halimaw na inilalarawan sa Pahayag 13:14—isang halimaw na “nalinlang ang lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng mga kababalaghang kanyang ginawa.”
Mabalik tayo sa research ng MIT. Ang grupo ng mga nagsulat ng essay na hindi gumamit ng AI ay lumabas na may mas mataas na “neural connectivity”. Mas nag-isip sila, sa madaling salita. Ang kakayahang ito ay iniuugnay sa pagiging mas malikhain, mas matandain, at mas malinaw na magpaliwanag. Mas masaya rin sila sa kanilang isinulat dahil sila mismo ang nagsulat. Mga ganitong kabataan ang sikapin nating hubugin.
Mga Kapanalig, may krisis sa edukasyon sa ating bansa at magamit sana ang AI para tugunan ito. Pero sa natutuklasan sa mga pag-aaral, kailangan talagang bantayan ang AI nang hindi tayo maging isang bayan ng mga taong hindi kayang mag-isip.
Sumainyo ang katotohanan.