186 total views
Ang adolescent phase o kabataan ay napakahalagang yugto ng buhay ng tao. Sa phase na ito nangyayari ang transisyon mula bata tungo sa young adulthood. Sa panahong ito, napakahalaga na magabayan natin sila, lalo sa ating bansa kung saan ang one-third ng ating household population ay mga youth o kabataan.
Maraming mga issues ang kinakaharap ng ating mga kabataan ngayon. Sa mga isyu na ito, napakahalaga ng gabay ng mga magulang at elders sa ating lipunan. Kaya lamang, sa bilis ng takbo ng ating buhay ngayon kasama na ang kahirapan, marami sa ating mga kabataan ang naiiwang mag-isa upang harapin ang kanilang mga suliranin. Maraming magulang kailangang mag-abroad at iwanan ang mga anak para kumita. Kahit pa nga dito magtrabaho sa ating bayan, maraming mga miyembro ng pamilya ang hindi nagkakaroon ng quality time dahil ubos na ang oras sa trabaho at traffic.
Kailangan nating mabigyan ng panahon ang mga kabataan ngayon. May mga pag-aaral na nagsasabi na dumarami na ang kaso ng mental health issues sa hanay nila. Tinatayang mga 31 percent ng mga kabataan ang nakararanas ng suicidal thoughts. Nakaka-alarma na rin ang bilang ng mga suicide attempts sa hanay ng kabataan. Mula 12.9 percent noong 2015, naging 17 percent ito noong 2021.
Maraming dahilan ang mga mental health issues sa hanay ng kabataan sa ating bayan. Ang isolation at takot na bunsod ng pandemya ay isa sa mga maaring dahilan. Ang kahirapan din kapanalig, at ang mga kaugnay nitong walang katiyakan sa pagkain, sa edukasyon, sa kinabukasan. Marami ring mga kabataan ang nakakaranas ng teenage pregnancy, at nasusulong sa mga responsibilidad na hindi pa sana angkop para sa kanilang edad.
Ito ay ilan lamang sa mga suliranin ng mga kabataan ngayon na kailangang harapin hindi lamang ng mga bata, kundi ng buong lipunan. Tayo ang gabay ng mga batang ito. Tayo ang kanilang inaasahan upang makamit nila ang kanilang mga karapatan at mga serbisyo kailangan nila. Kaya lamang, ang mga elders ng lipunan ay kadalasang absent na – wala na tayong panahon para sa kanila. Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, paano na ang ating kinabukasan, ang mga kabataan?
Ayon sa Mater et Magistra, “It is of the utmost importance that parents exercise their right and obligation toward the younger generation.” Sabi naman sa Rerum Novarum, great care should be taken not to place children in workshops and factories until their bodies and minds are sufficiently developed.” Ang atas na ito kapanalig, ay hindi lamang para sa mga magulang, kundi para sa ating lahat. Sana’y akapin natin ang responsibilidad na ito upang ang ating mga kabataan ay mahubog natin ng tama- malakas, malusog, mapagmahal, at may takot sa Diyos.
Sumainyo ang Katotohanan.