760 total views
Mga Kapanalig, sinabi ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Amoris Laetitia na ang bawat bata ay may karapatang tumanggap ng pagmamahal mula sa isang ina at ama para sa kabuuan at maayos niyang pag-unlad. Sa kasamaang palad, hindi lahat ng bata ay nakararanas ng pagmamahal mula sa isang ama’t ina.
Ayon sa datos ng World Health Organization (o WHO) noong 2021, tinatayang nasa 14 hanggang 15 milyon ang solo parents sa Pilipinas, 95% sa kanila ay babae. Iba’t iba ang dahilan kung bakit naghihiwalay ang mag-asawang Pilipino. Ito ay maaaring dahil sa problemang pinansiyal, kawalan ng komunikasyon, karahasan, at pagtataksil. Base sa obserbasyon ng mga eksperto, ang mga batang naiipit sa problema ng kanilang mga magulang sa panahon ng paghihiwalay ay nagkakaroon ng problema sa atensyon at konsentrasyon, problema sa pag-aaral, hirap sa pag-manage ng galit at negatibong emosyon, hirap sa pagtulog, at iba pang problemang sikolohikal.
Dahil dito, naging makabuluhan ang kauna-unahang pagkakataong kinilala ng Korte Suprema na porma ng psychological violence ang marital infidelity at ito ay labag sa Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act. Sa kasong tinalakay ng Korte Suprema, ikinasal ang inireklamong lalaki sa kanyang asawa noong December 2006, at nagkaroon sila ng isang anak. Nangibang bansa ang babae upang magtrabaho noong 2008. Nalaman ng asawang babae ang pakikipagrelasyon at pagkakaroon ng anak ng kanyang asawa sa ibang babae noong May 2015. Taong 2016 nang hinatulan ng korte ang lalaki ng paglabag sa Section 5(i) ng Republic Act No. 9262 dahil sa emotional and psychological abandonment. Ang Section 5(i) tungkol sa uri ng pang-aabuso kung saan nagdudulot ito ng mental at emosyonal na pagdurusa (o anguish), katatawanan, at kahihiyan sa isang babae at/o bata dahil sa paulit-ulit na pang-aabusong verbal at emosyonal, hindi pagbibigay ng suportang pinansiyal, at iba pa.
Naghain ng apela ang lalaki sa Court of Appeals, ngunit ibinasura ang kanyang petisyon. Dito nagpasya ang lalaking dalhin ang kaso sa Korte Suprema. Ngunit sa pasya ng Korte Suprema, napatunayan nito ang marital infidelity ng lalaki. Nakita rin ng korte ang sikolohikal na traumang idinulot ng lalaki sa kanilang anak na babae nang umiyak siya sa hukuman habang isinasalaysay ang pagtataksil ng kanyang ama. Paliwanag ng anak, labis siyang nasaktan dahil may ibang pamilya ang kanyang ama at nagmahal ng ibang babae maliban sa kanyang ina. Ayon sa Korte Suprema, hindi kailangang patunayan na naging “psychologically ill” ang biktima. Sapat na ang emosyonal at mental na pagdurusa upang mapatunayan ang personal ang mga karanasang ito. Ang nakalulungkot, siyam na taong gulang lamang ang bata nang naging witness siya sa korte para magbigay ng salaysay. Patunay itong hindi lang ang asawang babae ang nakararanas ng mental at emosyonal na pagdurusa.
Malaki at malalim ang epekto sa mga bata kapag ang kanilang mga magulang ay hindi nagkakasundo. Naaapektuhan nito ang mental at emosyonal na kapakanan ng isang tao mula pagkabata na maaari niyang dalhin sa kanyang pagtanda. Nagiging daan ang pagkakaroon ng malusog na relasyon ang isang pamilya sa pagkatuto ng isang bata tungkol sa halaga at kahulugan ng pagmamahal, paggalang, pananampalataya, at pagmamalasakit.
Mga Kapanalig, nagagalak ang Simbahan sa mga mag-asawang nananatiling tapat sa mga turo ng Ebanghelyo na magmahalan at maging tapat sa isa’t isa. Gaya ng ipinapahayag sa Malakias 2:15-16, “hindi ba’t pinag-isa kayo ng Diyos sa katawan at sa espiritu?… Kaya’t huwag ninyong pagtaksilan ang babaing pinakasalan ninyo… ‘Nasusuklam ako sa pagpapalayas at paghihiwalay ng mga mag-asawa,’ sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. ‘Napopoot ako sa taong gumagawa ng kalupitan sa kanyang asawa. Kaya nga maging tapat kayo sa inyong asawa.’”
Sumainyo ang katotohanan.