8,719 total views
Ipinag-utos ng Obispo ng Diyosesis ng Iba sa Zambales ang pansamantalang pagsasara ng isang kapilya sa Subic Bay Freeport Zone matapos ang isang insidente ng tinagurian nitong paglapastangan sa banal na lugar.
Ayon kay Bishop Bartolome Santos Jr., winasak ang Chapel of San Roque at ang adoration chapel nito noong January 18, 2026 na nagdulot ng matinding dalamhati at pagkabigla sa mga mananampalataya.
Batay sa inilabas na atas ni Bishop Santos na may petsang January 19, 2026, kabilang sa nilapastangan ang katawan ni Kristo (sacred host) gayundin ang monstrance at ilang mga banal na imahe.
Binigyang-diin ni Bishop Santos na ang insidente ay isang tahasang paglapastangan sa kabanalan ng lugar dalanginan kaya’t kinakailangang na pansamantalang isara ang kapilya para sa publiko hanggang sa makapagsagawa ng nararapat na pagsasaayos at ritwal ng pagbabayad-puri.
“It is with deep sorrow that I inform the Christian faithful that on 18th January 2026, the Chapel of San Roque in the Subic Bay Freeport Zone and its Adoration Chapel was subjected to acts of vandalism which gravely offended the sanctity of the sacred place. The Sacred Host in the Monstrance was left in pieces on the floor, the monstrance was destroyed, and sacred images were broken.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Ayon sa pahayag ng Obispo, ang taong responsable sa insidente ay may suliraning pangkaisipan, na posibleng pinalala pa ng ipinagbabawal na gamot.
“These acts were committed by a person suffering from mental instability which may be due to abuse of prohibited substances.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Inihayag naman ni Bishop Santos na dahil sa kalagayang pangkaisipan ng na taong responsable sa insidente ay hindi na ito pinatawan ng anumang ‘canonical penalty’ at sa halip ay ipinagkatiwala ang nasabing indibidwal sa awa ng Diyos.
“Considering the mental condition of the person responsible, no canonical penalty is imposed. Instead, we commend him to the mercy of God and pray for his healing, while entrusting the affected community to the consoling presence of the Lord.” Ayon pa kay Bishop Santos.
Alinsunod sa Canon 1211 of the Code of Canon Law, pormal na idineklara ni Bishop Santos na ang Chapel of San Roque ay nadungisan, at ipinag-utos ang agarang pagsuspinde ng lahat ng Misa at sakramentong pagdiriwang sa kapilya.
Muli lamang bubuksan ang kapilya matapos maisagawa ang mga kinakailangang pagkukumpuni at ang penitential rite of reparation, bilang tugon sa tahasang paglapastangan sa Banal na Eukaristiya.
Nanawagan naman si Bishop Santos sa mga mananampalataya na manalangin, mag-ayuno, at magsagawa ng gawaing kawanggawa, kung saan umaasa rin ang Obispo na nawa’y maging daan ang pangyayari upang lalong mapalalim ang pagmamahal sa Eukaristiya at paggalang sa mga banal na lugar.





