12,558 total views
Nagpahayag ng suporta at pakikiisa si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza para kay Erwin “Ambo” Delilan, Station Manager ng 104.7 Hapi Radio FM sa Bacolod City matapos ang kanyang biglaang pagkakaaresto kaugnay ng kasong Unjust Vexation.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng Caritas Philippines na humanitarian, advocacy and social development arm ng CBCP, nakababahala ang mga pangyayari sa pag-aresto kay Delilan, partikular na ang alegasyong na ang subpoena ay ipinadala sa maling address, dahilan upang hindi makasagot at mapagkaitan ng due process si Delilan.
Binigyang-diin pa ni Bishop Alminaza na ang due process ay hindi lamang teknikalidad kundi isang moral at legal na proteksiyon na dapat ipagkaloob sa bawat mamamayan, anuman ang propesyon o katayuan sa buhay.
“We express our deep concern and solidarity with Erwin “Ambo” Delilan, Station Manager sang 104.7 Hapi Radio FM, after his arrest for Unjust Vexation. We are troubled by the circumstances surrounding this arrest, particularly the allegation that the subpoena was sent to an incorrect address, effectively depriving the respondent of the right to reply and due process. Due process is not a technicality; it is a moral and legal safeguard that protects every citizen—regardless of status or profession.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza.
Nanawagan din ang Obispo sa mga kinauukulang awtoridad na igalang ang ganap na due process, pangalagaan ang kalayaan ng pamamahayag, at iwasan ang mga hakbang na maaaring ituring na pananakot o panggigipit sa mga mamamahayag.
Ipinahayag din ni Bishop Alminaza ang kanyang matibay na suporta sa mga journalist at media workers na patuloy na nagpapahayag ng katotohanan sa gitna ng hamon at panganib.
Inanyayahan naman ng Obispo ang lahat na makibahagi sa pananalangin para sa karunungan, katarungan, at pagpipigil, upang ang hustisya ay magsilbi sa kabutihang panlahat at hindi maging kasangkapan ng takot o pananahimik.
“We stand with journalists and media workers who courageously speak truth to power. We pray for wisdom, fairness, and restraint—that justice may truly serve the common good, not fear nor silence.” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Giit ni Bishop Alminaza, ang katotohanan ay hindi dapat inaaresto; ang hustisya ay hindi dapat gawing sandata; at ang demokrasya ay hindi dapat pahinain sa pamamagitan ng pagsupil sa sinuman nagbubunyag ng katotohanan sa lipunan.




