185 total views
Hinimok ng Department of Interior and Local Government ang bawat barangay na suportahan ang Rabies Awareness Month na may temang Rabies Iwasan, Alaga’y pabakunahan.
Ayon kay DILG Secretary Mike Sueno, tungkulin ng lokal na pamahalaan na pangalagaan at pag-ingatan ang kalusugan ng mamamayang kanilang nasasakupan.
Dahil dito, hinikayat nito ang mga may alagang aso na iparehistro ang kanilang alaga at pabakunahan ng Anti-Rabies.
“Local execs should ensure that all dogs within their jurisdiction are registered and more importantly, immunized for managing rabies exposures,” bahagi ng pahayag ni Sec. Sueno
Ngayong buwan mag-iikot ang mga Local Chief Executives ng bawat probinsya kaisa ang Regional Office ng Department of Health Municipal Agriculture Offices upang magbigay ng libreng bakuna sa mga alagang aso.
Ayon sa DOH ang rabies ay isang impeksyon na mula sa laway ng infected na hayop na naisasalin sa tao sa pamamagitan ng kagat o kalmot.
Karaniwan itong naipagwawalang bahala dahil madalang ang ganitong uri ng kaso subalit tiyak na nakamamatay ang rabies kaya naman iginiit ng DOH dapat itong agapan.
Sa tala, ng ahensya 200 hanggang 300 Filipino ang namamatay taun-taon dahil sa rabies.
Nagpaalala naman ang simbahang katolika na bahagi ng pagiging mabuting tagapangalaga ng tao ang tiyakin ang kalusugan ng kanyang kapwa at ng mga hayop na nilikha rin ng Panginoon.