201,978 total views
Mga Kapanalig, ano ang isasagot ninyo sa tanong na ito: maaari bang pakisabi kung gaano kalaki o kaliit ang inyong pagtitiwala kay Pangulong Bongbong Marcos? Eh kay Bise President Sara Duterte?
Heto pa ang isang tanong: Nitong huling tatlong buwan, aprub ba o hindi aprub sa inyo ang pagganap ni PBBM sa kanyang tungkulin? Si VP Sara, aprub ba o hindi ang pagtatrabaho niya?
Ang mga ito ang itinanong ng Pulse Asia para pulsuhan ang tiwala ng mga Pilipino, batay sa mahigit sanlibong tumugon, sa dalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno. Hiningi rin ng survey ang pananaw ng mga Pilipino sa performance ng pangulo at pangalawang pangulo.
Kung tiwala ang pag-uusapan, nasa 32% lang ang nagsabing tiwala sila kay PBBM; halos kalahati (o 47%) ang nagsabing maliit ang tiwala nila o wala silang tiwala sa presidente. Kabaligtaran naman ito sa trust ratings ni VP Sara. Bahagyang lumampas sa kalahati (o 54%) ang tiwala sa kanya, samantalang 24% lang ang nagbigay ng kabaligtarang sagot.
Kung hahatiin naman ang mga sumagot base sa kanilang lokasyon, makikitang pinakamalaki ang trust ratings ni PBBM sa Luzon at sa Metro Manila. Pero 8% lang sa Mindanao ang nagsabing tiwala sila sa presidente. Si VP Sara naman, nakakuha ng trust rating na 96% sa Mindanao at 67% naman sa Visayas.
Base naman sa kalagayan sa buhay o class, mas marami sa mga nasa class E o mahihirap ang tiwala sa bise presidente—pito sa sampu ang tiwala kay VP Sara habang wala pang tatlo sa sampu ang nagsabing tiwala sila kay PBBM.
Mas marami namang nagsabing hindi aprub sa kanila ang performance ni PBBM; 48% ng mga sumagot kumpara sa 24% na may ganito ring pananaw kay VP Sara. Lampas kalahati (o 56%) ng mga kinausap ng Pulse Asia ang nagsabing aprub sa kanila ang pagtatrabaho ng bise presidente. Malayo ito sa 35% na approval rating na nakuha ng presidente.
Ang limitasyon sa mga ganitong survey ay hindi inaalam sa mga kinakausap kung ano ang batayan nila sa kanilang ibinigay na sagot. Paano nila nasabing aprub ang pagtatrabaho ng mga opisyal ng gobyerno? Ano ang basehan ng mga nagsabing hindi ito aprub sa kanila? Ano ang nakaiimpluwensya sa kanilang tiwala sa pangulo at pangalawang pangulo?
Hindi kaya mas sumasalamin sa ating mga mamamayan kaysa sa ating mga lider ang resulta ng survey? Ipinaliliwanag naman ng mga survey firms ang konteksto kung kailan nila isinagawa ang pangangalap ng datos, pero hindi natin maikakailang malaki ang tsansang ang ibinigay na sagot ng mga respondents ay mula sa kanilang pananaw sa isang lider.
Paano maipaliliwanag ang mataas na tiwala sa mga lider na hindi maipaliwanag kung saan ginamit ang napakalaking confidential funds at madalas nasa labas ng bansa? Wala bang kinalaman sa approval ratings ang mga pangakong may mapapanagot sa mga sangkot sa katiwalian sa mga flood control projects? Hindi ba ito mainam na hakbang laban sa korapsyon?
Sakit na nating mga Pilipino ang kakulangan ng kakayahang mag-usap-usap tungkol sa mga isyu ng bayan. Marami sa atin ang tapat o loyal sa mga pulitiko kahit pa malinaw pa sa sikat ng araw ang pagtakas nila sa pananagutan. Mas pinahahalagahan natin ang loyalty na ito sa halip na pagtuunan ng pansin ang kanilang mga ginagawa—at hindi ginagawa. Marami sa ating nagbubulag-bulagan sa totoo.
Mga Kapanalig, ang mga lider natin ay tinawag na maglingkod, hindi ang paglingkuran, gaya nga ng pangaral ni Hesus sa Mateo 20:27. Tungkulin natin bilang mga mamamayan—at mananampalataya—na panagutin sila, lalo na sa mga mali nilang ginagawa. Wala sila sa posisyon para idolohin lamang ng taumbayan.
Sumainyo ang katotohanan.




