56,034 total views
Kapanalig, ang mga katutubo o indigenous peoples (IPs) ay kapwa natin Pilipino – pero hindi ba’t parang invisible sila sa ating bayan?
Ang IPs ay kapatid natin sa kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan. Ang ating mga tradisyon, paniniwala, paraan ng pamumuhay ay ating mata-trace sa kanila. Ang ating common heritage ay nagpapakita ng yaman at lawak ng ating kapatiran bilang isang lahi. Pero bakit tila hindi natin binibigyang pugay ang kanilang ambag sa lipunan? Bakit marami sa kanila ang naghihirap at naapi?
Tinatayang may mga 110 na grupo ng IPs sa ating bansa, na binubuo ng mga 14 hanggang 17 milyong Pilipino. Malaking porsyento nito ay nasa Mindanao (61 percent) at mga 33 percent naman ay nasa Northern Luzon. Ang mga IPs natin, kapanalig, ay hirap – kasama sila sa mga extreme poor sa buong mundo. Kabilang dito ang mga Igorot sa Cordillera, mga Lumad sa Mindanao, mga Aeta sa Luzon, at iba pa. Ang tagapag-ingat ng ating kasaysayan at kultura, ang mga IPs, ay bugbog sa hirap, kapanalig.
Ang kakulangan sa reliable na datos ukol sa ating mga IPs ay nagpapalala ng kanilang kondisyon. Marami sa kanila ay hindi nabibilang o nalilista sa mga barangay kaya’t hindi sila naaabot ng mga batayang serbisyo gaya ng health o education. Marami pa nga sa kanila, pinapalayas sa kanilang mga kinagisnang tahanan. Wala silang legal na proteksyon, wala silang matakbuhan.
Dahil salat sa edukasyon, ni hindi nila alam ang kanilang mga karapatan, at hindi sila makakuha ng trabaho na mag-aangat sa kanila sa kahirapan. Pero kahit ganito, nagsisilbi pa ring inspirasyon ang marami sa kanila. Ang kanilang mga katutubong kaalaman at kasanayan sa panggagamot, sa agrikultura, at sining ay nagpapayaman pa lalo ng ating modernong agham at teknolohiya. Ang kanilang mga tradisyonal na pamamaraan sa agrikultura ay nagsisilbi ring inspirasyon para sa makabagong paraan ng sustainable farming.
Kapanalig, dinggin sana natin ang panawagan ng mga IPs sa ating bayan. Patuloy silang humaharap sa iba’t ibang hamon gaya ng pagkawala ng kanilang lupain dahil sa malawakang pagmimina, pagtotroso, at iba pang malakihang proyekto na nagdudulot ng matinding epekto sa kanilang kabuhayan at kultura. Ang diskriminasyon at marginalisasyon ay isa ring malaking suliranin para sa IPs. Dahil dito, maraming katutubo ang walang sapat na akses sa edukasyon, kalusugan, at iba pang batayang serbisyo, na nagtutulak sa kanila manatiling nasa laylayan ng lipunan.
Paalala ng Gaudium et Spes: anumang uri ng panlipunan o kultural na diskriminasyon sa kasarian, lahi, kulay, kalagayang panlipunan, wika o relihiyon, ay dapat puksain. Hindi ito naaayon sa disenyo ng Diyos. Susog pa ng Octogesima Adveniens: Within a country which belongs to each one, all should be equal before the law, find equal admittance to economic, cultural, civic, and social life and benefit from a fair sharing of the nation’s riches.
Sumainyo ang Katotohanan.